Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), ang graduation ceremony ng Farmer Field School (FFS) on Good Agricultural Practices (GAP) for Rice noong ika-23 ng Pebrero 2024, sa 3rd Floor Conference Room, Old Municipal Building, Rosario, Batangas.
17 magsasaka mula sa Barangay Timbugan, Colongan at Itlugan ang ginawaran ng Certificates of Completion para sa kanilang partisipasyon sa labing-anim na linggong pagsasanay, na naglalayong maiangat ang kalidad ng palay at mapataas ang produksyon nito sa lalawigan.
Sa pambungad na mensahe ni Barangay Timbugan Captain Jasmin Alcaraz, ibinahagi nito na hindi lamang karunungan ang naging bunga nito sa kanila, ngunit maging ang magandang ugnayan at relasyon ng mga magsasaka mula sa mga barangay.
Aniya, mahalaga ito upang makahikayat pa sila ng mga kasamahan na tatangkilik sa programa na makapagpapaunlad sa kanilang paraan ng pamumuhay.
Ayon naman sa mga magsasaka, hindi nila makakalimutan ang karanasang ito at sisiguruhing hindi masasayang ang kaalamang naibahagi sa kanila.
Malaki ang pagkakaiba ng kanilang isinagawang training kumpara sa kanilang mga nakasanayang gawi sa pagsasaka, na kung ito raw ang kanilang patuloy na susundin ay baka hindi na sila maka-recover.
Kabilang sa mga naging paksa ng pagsasanay ang pagpili ng tamang binhi, paghahanda sa lupa, paglalagay ng abono, water and pest management, at pagpapanatili ng kalidad matapos itong anihin upang masiguro na ligtas itong maiihain sa mga hapag.
Dagdag-kaalaman din ang naibahagi ni FFS Trainor/Facilitator Rafael Romulus Catada patungkol sa pagnenegosoyo upang sa gayon ay hindi na lamang sila maging simpleng magsasaka kundi isang negosyante.
Bukod sa mga sertipiko, namahagi ang Enviro Scope Synergy Inc., na kinatawanan ni ENVIRO Field Agronomist Reynante Mejorada, Jr., ng mga organikong agricultural inputs na makakatulong sa pagpapanatili ng nutrisyon sa lupa. Dagdag pa rito, ang tig-iisang sako ng abono na magmumula sa Rosario Office for Agricultural Services at OPAg.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat ang mga opisyal ng bayan, sa pangunguna ni Rosario Mayor Leovigildo Morpe, kasama si Vice Mayor Atanacio Zara, Councilor Joey Galicha at Municipal Agriculturist Jane Libuit, sa pagkakapili ng kanilang lugar para sa proyekto.
Kilala ang bayan bilang Rice Granary ng Batangas dahil sa malawak nitong lupain na mayroong irrigated land at rainfed upland.
Sinimulan ang nasabing pagsasanay noong Setyembre 2023, subalit napatigil dahil sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections noong katapusan ng Oktubre.
Nagpatuloy ang lecture noong November 5, 2023, at tumagal hanggang February 15, 2024.
Ang Bayan ng Rosario ay ang ikalawa sa mga naging benepisyaryo ng FFS on GAP for Rice. Una nang nakatapos dito ay ang Bayan ng Balayan.
#WeTakeAStand #OpinYon #FoodSecurity #