Muling nagbigay ng paalala ang Land Transportation Office (LTO) sa publiko na huwag kakagat sa alok ng mga "fixer" na nangangako ng mabilis na transaksyon.
Ito'y matapos isa umanong fixer ang nasakote ng mga tauhan ng LTO Calabarzon sa isang operasyon sa Biñan City, Laguna kamakailan.
Dinakip ang nasabing fixer na hindi pinangalanan sa isang joint operation ng LTO at National Bureau of Investigation (NBI) ng Santa Rosa City, Laguna.
Ayon sa ulat ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer Decena, nag-ugat ang nasabing operasyon sa mga "sunod-sunod na reklamo" mula sa publiko hinggil sa umano’y talamak na fixing activities sa nasabing lugar.
Nahaharap ngayon sa kaukulang kasong kriminal ang fixer, habang patuloy naman ang panawagan ng LTO sa publiko na direktang makipag-ugnayan lamang sa mga opisyal na tanggapan ng ahensya.
“Hindi namin palalampasin ang mga indibidwal na patuloy na nanlilinlang sa publiko at sumisira sa tiwala ng mamamayan sa pamahalaan. Ang LTO Calabarzon ay mananatiling matatag sa pagpapatupad ng batas at sa pagprotekta sa interes ng publiko laban sa mga fixer,” ayon kay Decena.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

