Filipino Food Month, inilunsad
Quezon

Filipino Food Month, inilunsad

Mar 27, 2023, 6:52 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Para saan ang pagdiriwang ng Pagkaing Pilipino kung walang maibili ng iluluto para maihain sa hapag? Tatakamin tayo ng mga kaluto o recipe na hindi naman natin magagawang isalang sa ating mga kalan dahil sa taas ng presyo ng bilihin. Rekado pa lang, magkano na? Habang nangangampanya ang mga sektor para sa slow food, ang kaya lamang bilhin ng ibang kababayan ay instant noodles na kapag isinabaw sa kanin ay silbing ulam na ng mag-anak. Kasama kaya sa pagdiriwang ang mga posibleng solusyon kung paano magkakaroon ng kaunlaran ang bawat household na Pilipino kung saan ang karamihan ay makakakain ng masustansya at murang pagkain? Ano ang mga gawaing nakahanay para sa Buwan ng Kalutong Pilipino? Paano ito makakatulong sa bansa?

Abril ang Buwan ng Kalutong Pilipino, o Filipino Food Month (FFM). Kaya naman ang Sariaya Community Rondalla (SCR) ay buong ningning na nagbukas ng tabing para sa paglulunsad nito sa Metropolitan Theater sa Maynila noong Marso 21.

Kasama ang JRU Chorale, tumugtog ang SCR ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pagbubukas ng palatuntunan.

Sa tila mini-concert ng mga kabataang nagpamalas ng galing sa pagtugtog, at sa pagkumpas ng kanilang maestrong si Reinnard Christian Merano; buong husay na ibinigay ng SCR ang mga sumusunod sa madla: "Khruhay" ni S. Estacio, "Kalinangan ng Bansa" ni M. Bautista, "Gaano Kita Kamahal" ni A. Pasamba, "Sa Kabukiran" ni N. Espejo, at ang "Awitin Mo, Isasayaw ko" ni N. Espejo.

Ang grupo ng SCR ay sinuportahan ng Kulinarya Tagala at Herencia Sariaya sa pamamagitan ni Cristina Decal, DepEd Quezon, Mayor Marcelino Gayeta at Sangguniang Bayan ng Sariaya, Tourism Quezon, at Gobernadora Angelina "Doktora Helen" Tan.

Sa bisa ng Proclamation No. 469, series of 2018, ipagdiriwang ang FFM na may temang “Pagkaing Sariling Atin, Mahalin at Pagyamanin.”

Ang selebrasyon ay pangungunahan ng Department of Agriculture (DA) sa pakikipagtulungan ng Philippine Culinary Heritage Movement (PCHM), ng Department of Tourism (DOT), at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Mga programa

Iba't-ibang programa ang nakahanda upang mapreserba, mapagyaman, at maitampok ang mga pagkain o lutuing Pilipino bilang bahagi ng pambansang pamana, kasaysayan, at kakanyahan.

Iba't-ibang kumperensya, cooking show, konsiyerto, at iba pang mga programa para sa lahat ng sektor ng lipunan ang nakalaang idaos sa buong buwan ng Abril.

Sa pagtutulungan ng NCCA at National Parks and Development Committee (NPDC), ang Concert at the Park ay magtatanghal ng mga performance tungkol sa mga pagkain mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Layunin nitong magbigay-pugay sa mga magsasaka, sa pamayanang agricultural, mga mangingisda, manggagawa sa bukid, at mga tradisyon sa pagluluto ng mga katutubo. Magkakaroon din ng mga food stall, mga kubol ng ibat-ibang akrtibidad, at cooking demonstrations.

Ang Hapag sa Pamana naman ay isang pagtutulungan ng NCCA at mga piling local government units (LGUs) na may food exposition, pagpapakita ng pagluluto, programang kultural, at iba pang mga gawaing magpapakita ng mga pangrehiyong pamanang pagkain mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Food conference

Ang KainCon Filipino Food Conference 2023 naman ay isang pang-akademikong research conference na gaganapin sa loob ng tatlong araw sa Abril 3 hanggang 5 sa pagtutulungan ng NCCA, PHCM, at Slow Food Youth Network Philippines.

Dito ay magsasama-sama ang mga magsasaka, historyador ng pagkaing Pilipino, mga chef, at eksperto sa industriya ng pagkain upang matalakay kung paano maisusulong ang local food cultivation at makalikha ng mga paraan kung paano makakapagpreserba na maaaring makapagsulong ng pagbabago at pag-unlad sa larangan ng pagkain. Ayon sa kanila, edukasyon ang paraan upang maingatan ang pamanang pang-kulinarya.

Bukas sa publiko at mapapanood ng live ang kumperensya sa FFM at mga katulong na ahensya sa kanilang mga social media pages.

Lutuing sariling atin

Ayon sa PCHM, tinatayang ang pagkaing Pilipino ay isa sa mga pinakamaagang fusion cuisine sa buong mundo, sapagkat ang ating mga lutuin mula pa noong unang panahon ay nagkaroon na ng impluwensya ng mga banyagang bumibisita sa mga settlements sa buong arkipelago tulad ng mga Mexicans mula sa panahon ng galleon trade at mga Muslim sa mga karatig-bansa.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Kaluto ay isang paraan upang pag-aralan at ibahagi sa madla ang kasaysayan at pag-unlad ng pagkaing Pilipino.

Dagdag pa ng PCHM, ang panlasang Pilipino ay pinaghalo-halong maalat, maasim, matamis, at mapait, bagama’t maanghang din sa mga bahagi ng Bikol, at mga lugar ng Muslim sa Mindanao. Karamihan sa mga ito ay pang-ulam sa kanin na siyang pangunahing pagkain ng Pilipino, at may mga sarsa at sawsawang tulad ng buro (mula sa bigas at isda), bagoong (mula sa isda o hipon), at suka.

Nito lamang Marso 15, itinanghal ng "Google Doodle" ang adobo, kauna-unahang pagkaing Pilipinong naibida sa nasabing platform.

Sa lahat ng programang nakalaan, ipakikita ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura na naglalayong makamit ang food security sa pamamagitan ng teknolohiya at pagsasaliksik, gayundin ang karampatang mga serbisyo at pagtangkilik na naaayon sa mandato nito sa Saligang Batas.

'Kumain ka na ba?'

Hindi lamang sustansya ang nakukuha ng tao sa pagkain. Ito rin ay isang paraan kung saan nagkakaroon ng pagsasalamuha, pagkakaisa at pagbubuklod ang kahit na sinong may magkaibang pinagmulan.

Pagkain din ang isang paraan upang makita ang pagkakakilanlan bilang Pilipino.

"Kumain na ba?" Ito ang isang pagbati na madalas nating marinig na tila higit na matamis pakinggan kaysa “Kumusta ka?”

Ang mga Pilipino ay sadyang maalalahanin sa kapwa at pagkain ang isa sa mga paraan upang maiparamdam ang mainit na pagtanggap sa bisita.

Ang mga bagay na ito, hindi lamang pagkain, ang matutunghayan sa pagdiriwang ng Buwan ng Kalutong Pilipino ngayong taon.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.