Sa hirap ng buhay ngayon, marami nang mga manggagawa at propesyonal ang pinipiling ipagpaliban muna ang pagbubuo ng pamilya.
Masasalamin ito sa pagbaba ng “fertility rate,” o ang average na bilang ng nagiging anak ng isang babae sa kanyang reproductive years, sa buong rehiyon ng Calabarzon.
Ayon sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan, naitala sa rehiyon ang pinakamababang fertility rate sa buong bansa.
Sa inilabas na 2025 National Demographic and Health Survey (NDHS) ng PSA kamakailan, 1.3 ang naitalang average number ng sanggol na inaasahang isisilang ng mga kababaihan na edad 15 hanggang 49 sa Calabarzon.
Mas mababa pa ito sa 1.8 na averag na naitala noong 2022, noong unti-unting nang nakakabangon ang Pilipinas mula sa epekto ng pandemya ng Covid-19.
Ayon kay PSA Calabarzon Regional Director Charito Armonia, hindi lamang ang kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya at lipunang Pilipino ang nagiging dahilan ng pagbaba ng fertility rate sa Calabarzon region.
Sinasalamin rin nito ang pagtaas ng kamalayan, edukasyon at access ng mga ordinaryong Pilipino sa family planning at reproductive health services.
Para naman kay Commission on Population and Development (CPD) Calabarzon regional director Marilyn Ogaya, malinaw sa nasabing istatistika na mas napalawak pa ang mga serbisyo nito na naglalayong maikintal sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan, ang kahalagahan ng responsible parenthood.
“These results show that Calabarzon is making significant strides in population and development. However, our work continues, especially in ensuring that no adolescent is left behind and that every family has access to informed choices,” pahayag ni Ogaya.
(Ulat mula sa PIA Calabarzon)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PSA #FertilityRate #Health

