Facial authentication, magagamit na sa ACOP ng SSS
SSS

Facial authentication, magagamit na sa ACOP ng SSS

Mar 17, 2026, 2:48 AM
Christian Magdaraog

Christian Magdaraog

Writer

Good news para sa mga lolo at lolang pensyonado!

Mas pinadali na ng Social Security System (SSS) ang proseso ng Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) para sa mga rehistradong pensioner nito.


Ito ay matapos idagdag ang Facial Authentication noong Martes, March 10, bilang isa sa mga option na maaaring piliin upang makapag-comply sa requirement ng ACOP.


Imbis na bumisita pa sa mga branch office ng SSS, maaaring isagawa ang naturang proseso sa kanilang website.


Dito, kukuha ang system nila ng live facial image ng pensioner para i-match sa mga record na matatagpuan sa sistema ng National ID.


Kung tugma at tama ang detalye, magbibigay ng kumpirmasyon ang nasabing system upang ipaalam ang kanilang compliance sa ACOP.


Bukas ang prosesong ito sa lahat ng mga retirement at survivorship pensioner na rehistrado sa National ID system, kaya mahalaga ang pagkakaroon ng record sa Philippine Identification System (PhilSys).


Bagaman mas convenient ang inaalok na proseso ng Facial Authentication, hindi pa rin mawawala ang tradisyunal na paraan ng ACOP.


Maaari pa ring bumisita ang mga pensioner sa mga SSS branch, o kaya magsagawa ng isang video conference verification.


Nagpaalala rin ang SSS na sumunod sa polisiya at schedule ng ACOP upang patuloy na makatanggap ng kanilang monthly pension benefits.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ACOP #SSS #PhilSys


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.