Excise tax sa gasolina, suspindihin na!
Tax

Excise tax sa gasolina, suspindihin na!

Apr 14, 2026, 1:48 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Mamumuti na lamang ba ang mata ng mga Lagunense sa kahihintay sa kongkretong solusyon ng pamahalaan sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo?

Ito ngayon ang tanong ng ilang mga konsehal sa San Pablo City, Laguna kasabay ng napipinto na namang panibagong taas-singil sa mga produktong petrolyo dulot na rin ng digmaan sa Gitnang Silangan.


Nitong nakaraang Lunes, April 6, ay nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panglungsod ng San Pablo na humihiling sa pambansang pamahalaan ng suspension ng fuel excise tax.


Gayundin, hiniling nila sa Department of Energy (DOE) at iba pang ahensya na magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga mamamayan at sektor ng transportasyon.


Ayon sa nasabing resolusyon na inihain ni Konsehala Carmela Acebedo at co-sponsored ng buong sanggunian, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ay nakakaapekto sa gastos ng transportasyon at mga pangunahing bilihin.


Ito ay nagdaragdag ng pinansyal na pasanin sa mga mamamayan at maliliit na negosyo, kabilang na ang mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan, delivery worker, magsasaka, at iba pang sektor na malakas na umaasa sa gasolina.


Ayon sa resolusyon, ang pansamantalang pagsuspinde ng fuel excise tax sa panahon ng labis na pagtaas ng presyo ay upang magbigay ng agarang lunas sa mga konsumer, tsuper ng pampublikong sasakyan, at iba pang mahihinang sektor.


Ipinahayag din ng resolusyon ang suporta sa mas malakas na pagsubaybay at transparensya sa mga pagsasaayos ng presyo ng gasolina upang matiyak ang patas at proteksyon sa kapakanan ng mga mamamayan.


Hanggang ngayon ay wala pang pormal na direktiba ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa pagsususpinde sa excise tax sa gasolina matapos itong magdeklara ng State of National Energy Emergency noong nakaraang buwan.


Sa isa namang pahayag, iginiit ni Palace Press Officer Claire Castro na kailangan umanong balansehin ng pamahalaan ang pangangailangan nito sa buwis sa pagtulong sa mga labis na naapektuhan ng kasalukuyang krisis sa langis.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.