EQUAL  TREATMENT
Quezon

EQUAL TREATMENT

Kasunduan Ng Mga Ospital at Quezon Province

Jan 30, 2023, 1:37 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Ang pinakamahirap sa pagiging mahirap ay ang hindi pagkakaroon ng pagkakataon na matingnan sa ospital dahil sa kakulangan sa panggastos. Ngayon, hindi tumitingin sa estado sa buhay ang inklusibong pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayang nangangailangan ng kalingang medikal. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga pamilya ng pasyente at ng Pamahalaang Panlalawigan, nariyan ang kasunduang magbibigay ng pagkakataon upang madala sa medical center o ospital na may kaukulang kagalingan sa anumang klase ng karamdaman.

Walang sisinuhin sa mga pasyente.

Ito ang nilalaman ng nilagdaang Joint Partnership for Health Referral sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at mga kinatawan ng ibat-ibang ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) Health Care Provider Network (HCPN) noong Enero 23.

Sa pangunguna ni DOH Officer-in-Charge (OIC) na si Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire, Quezon Governor Angelina "Helen" Tan na isa ring manggagamot, at mga kinatawan ng 15 ospital at health care facilities sa Kamaynilaan at mga karatig na lalawigan, nilagdaan ang kasunduan na magbibigay ng pantay na trato sa mga pasyente.

Bukod kay Vergeire, naroon din si USec. Nestor Santiago Jr., RD Ariel Valencia, mga Executive Director at Medical Center Chiefs, IPHO sa pangunguna ni Dr. Kristin Villaseñor-Mercado, Quezon Provincial Health Team Leader Dr. Juvy Paz Purino, at Fourth District Representative Mike Tan.

Ayon kay Gob. Helen Tan, nais niyang maramdaman ng mga kalalawigan ang pagkalinga ng pamahalaan sa pamamagitan ng pangangalaga at kalusugang pangkalahatan. Kapag sila ay lumapit sa mga ospital ay hindi sila pababayaan bagkus ay aalalayan ng mga pasilidad na may kakayahang maibigay ang kailangang serbisyo.

Sa matibay na pakikipagbalikatan sa DOH hospitals, mabibigyan ng serbisyo ang mga mamamayan nang hindi tumitingin sa kanilang estado sa buhay.

“Ang kasunduan nating ito ay hakbang sa mas malawak na pagsasakatuparan ng Universal Health Care Act,” ani Vergeire.

Ang mga referral hospital para sa mga pasyente ng Quezon ay ang mga sumusunod: Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Orthopedic Hospital, Quirino Memorial Medical Center, Rizal Medical Center, San Lazaro Hospital, Tondo Medical Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Chidren’s Medical Center, Philippine Heart Center, East Avenue Medical Center, at Batangas Medical Center.

Sa kaugnay na balita, kasabay ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng DOH at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ay nagkaroon ng Ceremonial Signing of Deed of Donation at turn-over ng dalawang ambulansya at mga equipment mula sa DOH Center for Health Development-Calabarzon.

Ang mga ambulansya ay ipinagkaloob sa Doña Martha Memorial District Hospital sa bayan ng Atimonan at sa Guinayangan Medicare Community Hospital.

Matatandaan na kailan lamang ay nagkaroon din ng MOA sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga mayor ng lahat ng bayan at lunsod sa Quezon para sa Province-Wide Health System Integration. Prioridad ng panunungkulan ni Gob. Helen Tan ang kalusugan at medikal na pangangalaga sa mga mamamayang Quezonin bilang bahagi ng kanyang "Healing Quezon" agenda.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.