Emergency housing para sa mga Cabuyeño, abot-kamay na
OpinYon Laguna

Emergency housing para sa mga Cabuyeño, abot-kamay na

Jul 20, 2026, 5:53 AM
Christian Magdaraog

Christian Magdaraog

Writer

Nakatakdang mabawasan ang iisipin ng mga residente sa Cabuyao City na nais magkaroon ng sariling nilang tahanan dahil sa panibagong programa ng lokal na pamahalaan para sa kanila.

Ito ay matapos pormal na makipag-ugnayan si Mayor Dennis Hain at ang mga kawani mula sa National Housing Agency (NHA) kamakailan upang isulong ang mga inisyatiba na may layuning tulungan sa pabahay ang mga kapos sa buhay.


Kabilang sa mga tinalakay nila ay ang Emergency Housing Assistance Program (EHAP) kung saan inaasahang makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang bagyong “Kristine” noong 2024.


Isa lamang ang mga biktima ng bagyo sa mga listahan ng sakuna na nais tugunan ng EHAP upang tumulong sa mga apektadong residente na makabangon at magsimula ulit.


Ipapatupad din sa naturang lungsod ang flagship program ng NHA na Resettlement Assistance Program for Local Government Unit (RAP-LGU) para sa mga informal settler families (ISF) na naninirahan sa danger zone at waterways.


Layunin nito na bigyan ng maayos na pabahay ang mga nasabing pamilya habang katuwang ang lokal na pamahalaan sa pangangasiwa ng pondo para dito.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.