Elmer Invento: Tanawin at Pag-asa mula sa San Andres
Culture and The Arts

Elmer Invento: Tanawin at Pag-asa mula sa San Andres

Feb 11, 2026, 6:43 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

“Hindi ako tapos ng Fine Arts.”

Iyon ang unang sinabi niya sa akin bago magsimula ang panayam – isang linyang diretso at walang paligoy-ligoy, na parang pagbukas ng isang blankong canvass handang bigyan ng kulay at buhay.

Siya si Elmer Invento, 43-anyos na artist na tubong San Andres, Quezon. Sa lugar na iyon siya lumaki at nagsimula ng kanyang paglalakbay sa mundo ng sining.

Bukod sa pagiging pintor, siya rin ay boxing coach para sa mga atleta ng Batang Pinoy sa San Andres.


‘Hindi madali’

Landscape at mga larawan ng ani – mga gawang akala ng iba ay simpleng gawin.

“Akala ng mga baguhang pintor ay madali lang magpinta ng bukid o tanawin, pero kailangan mong maunawaan ang bawat detalye – mula sa liwanag na dumadaan sa mga halaman hanggang sa hugis ng mga burol,” sabi niya.

Dahil hirap sila sa buhay at bagito pa sa mundo ng sining, tanging sarili lamang niya ang kanyang masasandigan.

Naranasan niyang magbenta ng kaniyang mga likha sa murang halaga, minsan ay halos P1,500 lamang pambili ng pintura, brush, canvas, at plywood.

Sa kabila ng murang benta, hindi maikakaila na puhunan rin niya ang determinasyon.

“Mas gusto kong magsimula sa wala para ako mismo ang magbibigay ng buhay at karakter ng bawat obra,” aniya.

Minsan, nagpupunta siya sa isang studio para makapag-concentrate, o pumupunta sa bundok upang kumuha ng kapayapaan at katahimikan bitbit ang imahinasyon.

Depende sa mood ang kanyang pagpipinta.

“Kapag masaya ako, gumagamit ako ng magagaan at masasayang kulay. Kapag naman malungkot, mas mapanglaw ang mga ginagamit kong kulay – parang sinusulat ko lang ang nararamdaman ko sa tela,” paliwanag niya.


Mula workshop hanggang exhibit

Noong taong 2000, pumasok siya sa workshop. Dito niya natutunan ang mga basics ng sining.

Pagdating ng 2003, nabigyan siya ng pagkakataong maging scholar ng University of the East – ngunit sa halip na tanggapin ito, pinili niyang tanggapin ang alok na magkaroon ng One Man Show sa SM Megamall.

Natapos niya ang 30 pirasong obra para sa exhibit na iyon sa loob ng isang taon.

“Mas may excited ako noon, akala ko madali lang ngunit bawat detalye pinaghihirapan," biro niya.

Sa kanyang unang exhibit, ang pinakamataas na halaga ng kanyang gawa ay umabot sa P120,000 para sa isang harvesting scene na gawa na kasinglaki ng plywood.


Determinasyon

Upang mapahusay pa ang kanyang talento, naging praktisan niya ang nude painting.

“Noong una, nahihiya akong gumuhit ng hubad, pakiramdam ko nakatitig ang modelo sa akin,” sabi niya ng may bahid ng kahihiyan.

Ngunit sa pagdaan ng panahon, naging pangkaraniwang tanawin ang bawat anggulo at hubog ng katawan.

Iba-iba ang antas ng talento ng bawat isa at nasa indibidwalidad kung paano ito ipapakita ito.

“Wala sa diploma ang kakayahan. Ang diploma ay maaaring magbigay ng kaalaman, pero ang talento at determinasyon ang magdadala sa iyo patungong tagumpay," paulit-ulit niyang binibigyang-diin.

Ito rin ang mensahe niya sa mga baguhang pintor na tumatahak ng kapareho niyang landas.

Naging assistant siya ng mga kilalang pintor tulad nina Mauro Malang Santos, Fernando Cena, at Frank Verano – mga taong nagturo sa kanya na “ang husay ay hindi nasusulat sa papel kundi pinagpapawisan at pinaghihirapan.”


Kompetisyon

Tatak Quezonin ang paglahok niya sa Niyogyugan Festival.

“Sa mga kumpetisyon, sinusuri ng mga hurado kung paano mo natutukoy ang mga detalye at damdaming nais mong iparating,” aniya.

Nasungkit ni Elmer ang Third place (P15,000) sa Niyogyogan 2023, First Place (P40,000) noong 2024, at Second Place (P30,000) noong 2025.

Ngayon, ang kanyang mga obra ay regular na nakikita sa mga gallery tulad ng Greenhills 7th J Gallery at SM Megamall, bawat pulgada ay nagkakahalaga ng P150.

Aniya, mabilis mabenta ang kaniyang mga obra dahil na rin sa tulong at suporta ng gallery.

Idolo ni Elmer si Romulo Galecano, isang pintor na kilala sa tradisyonal na istilo.

“Sana, sampung taon mula ngayon ay maabot ko man lang ang kalingkingan niya sa husay ng kanyang mga kamay at imahinasyon” aniyang punong-puno ng pag-asa.

Sa kabila ng mga hamon sa buhay, patuloy si Elmer sa paglikha ng mga obra – mula sa hagod ng brutsa, paghahalo ng kulay, at pagbibigay ng buhay sa mga blangkong canvas.

Patunay na ang husay at pagmamahal sa sining ay kayang abutin sa kabila ng kawalan ng diploma.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.