Ang sari-sari store ay hindi lamang isang convenient na lugar upang bumili ng ating pang-araw-araw na pangangailangan. Isa na ito sa mga itinuturing na bahagi ng kulturang Pilipino.
Karamihan sa mga may-ari ng mga sari-sari store ay mga retirado o di kaya ay mga housewife na nais magkaroon ng ekstrang pagkakakitaan.
At dahil maliit nga lamang ang karaniwang kita ng mga sari-sari store, kadalasan ay hirap silang maka-comply sa mga requirement ng lokal na pamahalaan gaya ng pagbabayad ng local taxes.
Ang isyu na ito ang nais solusyunan ng pamahalaang lungsod ng San Pedro, Laguna sa pag-eendorso nito ng isang ordinansa na layong alisan ng lokal na buwis ang mga kwalipikadong sari-sari store sa ating lungsod.
Isinumite na kamakailan ng tanggapan ni Mayor Art Mercado sa Sangguniang Panglungsod, sa pamamagitan ni Presiding Officer at Vice Mayor Nina Almoro, ang draft ng naturang ordinansa kung saan exempt na ang mga "eligible" sari-sari stores sa pagbabayad ng local business taxes.
Maituturing na "eligible" ang sari-sari store na may gross annual sales na hindi hihigit sa P250,000 kada taon, o mga bagong sari-sari store na may start-up capital na hindi lalagpas sa P50,000.
Hindi naman kwalipikado ang mga sari-sari store na hindi pasok sa nasabing threshold, o di kaya ay nagbebenta ng sigarilyo o tobacco products.
"Ito ay higit pa sa pagbibigay-ginhawa, ito ay paninindigan na palaging may lugar ang maliliit na negosyo sa paglago ng ating ekonomiya. Sama-sama, palalakasin natin ang lokal na kalakalan at titiyakin na ang bawat kabuhayan ay may pagkakataong umunlad," ani Mercado.
Photo Courtesy: Art Mercado FB Page
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews