Isang mas malinis na pampublikong transportasyon ang aasahan ng mga commuter sa una at ikalawang distrito ng Laguna.
Ito ang pangako ng Cabueños Transport Cooperative (Cabtransco) kasabay ng pagbibida nito ng bagong electric public utility vehicle (PUV) na nakuha nito kamakailan.
Sa isang Facebook post, ipinakita ng nasabing transport cooperative ang bagong electric PUV na gawa ng Basic Energy Corporation.
Ayon sa naturang cooperative, inaasahan nilang makapagbibigay ng "modern, sustainable, at eco-friendly na public transportation" sa mga commuter hindi lamang sa Cabuyao City kundi sa mga karatig-lugar sa lalawigan ng Laguna.
Hindi pa malinaw kung kailan maide-deploy sa kalsada ang nasabing electric PUV at kung ilan ang nakuhang mga bagong unit ng Cabtransco.
Ikalawa na ang nasabing kooperatiba sa mga nakakuha ng electric PUVs sa lalawigan ng Laguna, matapos ilunsad noong 2024 ang eLBeep (Electric Light Bus for the Environment and Economy Partnership) sa University of the Philippines - Los Baños campus (UPLB).
Isa ang Cabtransco sa mga operator ng modern PUV sa lalawigan ng Laguna, kung saan ay nakapag-deploy na sila ng mga modern PUV sa mga rutang Calamba-San Pedro at Calamba-Biñan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

