Driver na nangaladkad ng motorcycle rider, pinagpapaliwanag
LTO

Driver na nangaladkad ng motorcycle rider, pinagpapaliwanag

Oct 8, 2024, 3:18 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Office (LTO) ang isang driver ng electric vehicle na bumangga at kumaladkad sa isang motorcycle rider sa Santa Rosa City, Laguna noong September 25.

Sa isang dashcam video na inupload ng mobility website na Visor kamakailan, makikita ang isang motorsiklo na huminto sa harap ng isang Tesla electric vehicle sa isang private road sa Nuvali, Santa Rosa City.

Bumaba ang isa sa mga sakay ng motorsiklo at kinompronta ang driver ng Tesla, ngunit bigla nitong binangga ang pasahero ng motorsiklo at kinaladkad pa ito habang tumatakas sa naturang lugar.

Sinubukan pang habulin ng driver ng motorsiklo ang electric vehicle ngunit hindi na niya ito naabutan.

"Prior to this incident, the blue Tesla cut the motorbike multiple times," ayon sa nag-share ng naturang video sa Visor.

Napuna rin ng nag-share ng naturang video na walang plaka (maliban sa "Electric" na nakalagay sa likod) at walang conduction sticker ang electric vehicle na sangkot sa naturang insidente.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, nagpadala na ang tanggapan ng show cause order (SCO) sa may-ari ng naturang sasakyan na siya rin umanong nagmamaneho nito nang mangyari ang insidente.

“I immediately ordered the verification of this video and the incident was confirmed by a police report that our office obtained from the Santa Rosa Component City Police Station,” pahayag ni Mendoza.

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 4136 (Land Transportation and Traffic Code) ang driver ng Tesla na hanggang sa ngayon ay hindi pa pinapangalananan.

(Ulat mula sa PNA/OpinYon News Team)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNewsTeam #LTO


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.