Tiniyak ng San Pedro City Engineering Office na puspusan ang kanilang mga ginagawang hakbang upang masolusyunan ang problema sa pagbabaha sa lungsod kasabay ng halos isang linggong ulan na naranasan sa lalawigan ng Laguna kamakailan.
Sa isang panayam sa OpinYon Laguna, sinabi ni Engr. Rafael Garcia, officer-in-charge ng nasabing tanggapan, na patuloy ang isinasagawang paglilinis sa mga kanal, estero at drainage system sa buong lungsod.
Aniya, bago pa man maglabas ng executive order si Mayor Art Mercado noong nakaraang buwan ukol sa paglilinis sa mga daluyan ng tubig ay nakatutok na ang City Engineering Office sa dredging at declogging operations sa mga kanal at estero sa San Pedro City.
Partikular na tinukoy ni Garcia ang creek na nagdurugtong sa Barangay Pacita 1 at Laguna de Bay, na itinuturong dahilan umano ng malawakang pagbabaha na naranasan ng Pacita 1 noong nakaraang Hunyo.
"Nagkakaroon na po kami ng program of works para ma-desilt yung creek para madagdagan ang capacity ng nasabing daluyan," ani Garcia.
"Nagsimula na po iyan bago ilabas ni Mayor ang kanyang EO, pero hindi po siya ganoon kadali," dagdag pa niya.
Kinumpirma rin ni Garcia na nakipag-usap na rin ang kanyang tanggapan sa kanilang mga counterpart sa Biñan City, gayundin sa pamunuan ng South Luzon Expressway (SLEX), hinggil naman sa usapin ng pagbabaha sa Barangay Rosario at katabi nitong Juana Subdivision sa Biñan.
"Katunayan po ay may proposal na po kami sa ating mga kasamang opisyal sa Biñan para ma-divert po yung tubig, lalo na po't maliit po talaga yung dinadaluyan ng tubig sa gilid ng SLEX, at mababa po yung lugar ng Barangay Rosario, so sila po talaga ang nagiging catchbasin ng baha," paliwanag niya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews