Kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa at summer vacation, personal na ininspeksyon ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Pagbilao, Quezon kamakailan.
Layunin ng nasabing inspection tour na tiyakin ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko sa nasabing daan, na matagal nang inirereklamo ng mga commuter at motorista dahil sa mga bako at sira.
Tiniyak ni Dizon na patuloy na isinasaayos ang mga sirang bahagi ng Maharlika Highway, partikular na sa mga bayan ng Lopez, Gumaca at Pagbilao.
“Gusto naming tuluyan nang ayusin ang mga kalsada gamit ang matibay at pangmatagalang solusyon. Hindi na ito ‘patsi-patsing’ na madaling masira,” ayon pa sa kalihim.
Nabatid naman ng OpinYon Quezonin na nakatakda nang simulan ang malawakang rehabilitasyon ng Maharlika Highway pagkatapos ng Semana Santa.
Gagamitin diumano ang matibay na mga materyales tulad ng reinforced concrete upang tumagal ang mga daan nang maraming taon.
Palalakasin din umano ang pagpapatupad ng mga batas laban sa mga overloaded na truck, na nagiging pangunahing sanhi ng mabilis na pagkasira ng Maharlika Highway.
Nakiusap din si Dizon sa publiko na bantayan ang mga proyekto at makiisa sa pagtutok sa kalidad upang matiyak na hindi substandard ang pagsasaayos sa mga kalsada sa Quezon.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

