Huwag agad-agad maniwala sa mga post sa social media, lalo na kung buhay at kalusugan ang nakataya.
Ito ang naging paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko kasabay ng paglabas sa social media ng mga ulat ukol sa umano'y "health emergency" na idineklara sa China dahil sa iba't ibang sakit.
Ayon sa nasabing mga post, dumami raw ang mga kaso ng Covid-19 at iba pang mga "respiratory illness" sa China sa nakalipas na mga araw, dahilan upang magdeklara ng "health emergency" ang mga awtoridad sa nasabing bansa.
Kumalat ang nasabing mga social media post limang taon matapos maiulat ang mga unang kaso ng Covid-19, na naging isang global pandemic na nagdulot ng pagsasara ng maraming mga negosyo dahil sa mga ipinatupad na lockdown.
Sa isang statement na inilabas nitong nakaraang Biyernes, January 3, iginiit ng ahensya na walang kumpirmasyon mula sa anumang bansa o sa World Health Organization (WHO) ukol sa umano'y "health emergency."
Ayon sa DOH, matatag ang disease surveillance systems ng Pilipinas at handa itong rumesponde sa kahit anong health concerns, habang patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa WHO upang ma-detect agad ang anumang posibleng emergency.
"The Philippines...is an active participant in the network of WHO Member States that follow the International Health Regulations. This established system is what gives reliable updates about international health concerns," giit ng ahensya.
Bukod sa Covid-19, dumarami rin umano ang kaso ng human metapneumovirus (HMPV), isang respiratory virus na may kaparehong sintomas sa common cold at influenza.
Sinabi naman ng foreign ministry ng China na pangkaraniwan na raw umano ang pagtaas ng mga respiratory illness sa nasabing bansa tuwing panahon ng taglamig.
“The diseases appear to be less severe and spread with a smaller scale compared to the previous year,” pahayag ni Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning.
Nagpaalala rin ang DOH sa publiko na huwag basta-basta magpakalat ng mga maling impormasyon na magdudulot lamang ng aniya takot at kalituhan sa madla.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DOH #WHO