DepEd pinuna sa sobrang init sa mga classrooms
Quezon

DepEd pinuna sa sobrang init sa mga classrooms

Apr 25, 2023, 3:49 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Umaapoy ang mga diskusyon sa gitna ng init ng panahon. Ano nga ba ang ginagawang solusyon ng ahensya ng DepEd upang tugunan ang init sa loob ng mga silid-aralan sa bansa ngayong buwan ng Abril? Paano makakapag-aral na mabuti kung hindi naman komportable sa kinauupuang silid? Mainit sa loob at mainit sa labas sa pag-uwi at pagpasok sa katanghaliang tapat. Sino ang tutulong sa mga estudyante at gurong nahihirapan sa ganitong sitwasyon? Hindi ba at ang ahensyang nakakasakop sa kanila? Hindi kaya ng sunblock ang problema ng mga estudyante at mag-aaral na “can’t take the heat.” Kailangan itong bigyan ng agaran at epektibong solusyon. Seryosong solusyon sa problemang kinakaharap ng bayan.

“Yung classroom mong parang pugon.”- Buhay Teacher

Naging "viral" sa social media ang nangyaring pagkuha ng eksamen ng mga mag-aaral sa Lutucan Integrated National High School noong Huwebes (April 20).

Imbes kasi na sa loob ng klasrum magdaos ng klase, sila ay lumabas dala ang mga upuan, upang iwasan ang sobrang init ng panahon sa loob ng silid-aralan.

Ang Grade 12 C ng Accountancy, Business and Management (ABM) sa Senior High School Department ng nabanggit na paaralan ay nagdaos ng kanilang pagsusulit para sa 3rd quarter ng ikalawang semester sa ilalim ng pagbabantay ng gurong si Jhong Barrientos Casungcad, sa school field.

Sa FB post ni Titser Jhong, sinabi niya na

“While hindi pa mainit, sa field muna, and also for my students to have fresh air and bigger space while taking their examination… Para maiba naman at for sure, walang kopyahan dine.”

“Class under the tree… we greatly appreciate the environment… eme… Sa totoo lang, mainit po ang classroom, 42 degrees Celsius,” saad naman ni Mark Anthony Dela Rosa Dalipe, Chair ng PE Department ng Catanduanes State University.
“Kay mainit sa sulod, let’s do it outside,” ayon naman sa post ng guro na si Raymund Samudio ng Roberto H. Tirol National High School. Siya man ay sa labas ng classroom nagdaos ng kanilang klase.

Hinimatay na estudyante

Sa kaugnay na balita, ilang mag-aaral ang nag-collapse sa lubhang init sa Casiguran Technical Vocational School noong Abril 21, dahilan upang isuspinde ang kanilang klase.

Mahigit isandaang mga mag-aaral naman sa Cabuyao City, Laguna, ang naospital dahil sa dehydration matapos ang kanilang fire drill noong Marso.

Nitong nakaraang linggo ay madalas maging isyu ang kainitan ng panahon. Sa katunayan ay umabot pa nga sa 43 degrees centigrade ang pinakamataas na heat index nang araw na iyon sa Dagupan City at sa NAIA, at maging sa malamig na lunsod ng Baguio ay 29 degrees.

Sa lubhang init na 42 hanggang 52 degrees ay maaaring makaranas ng heat stroke, heat exhaustion, at iba pang panganib sa kalusugan ng tao.

Bukod sa init ng panahon, naging isyu rin ang kakulangan ng hangin sa mga classroom kahit pa mayroong mga bentelador. Hindi lahat ng paaralan ay mayroong airconditioner.

Titindi pa

Binalaan na ng Pagasa ang publiko na maaaring tumaas pa ang init sa 50 degrees Celsius. Mas mataas pa ito sa 40 degrees Celsius na kung saan ay maaaring mag-kombulsyon ang isang taong nilalagnat.

Ngunit ang tinatawag na "heat index" ang siya ngayong pinoproblema ng ating mga kababayan, kabilang na nga ang mga guro.

Ang heat index ay yaong sukat ng lebel ng pagiging hindi komportable ng tao bilang resulta ng init ng panahon at pagkaalinsangan ng panahon.

Sinasabing ang 52 degrees ay itinuturing na "extreme danger level."

Sa matinding init ng panahon ay ipinapayo ng mga awtoridad ang madalas na pag-inom ng maraming tubig lalo pa sa katanghalian kung kailan singkad ang init.

Ibalik sa Hunyo ang pasukan

Sa gitna ng mainit na isyu ng kainitan ng mga nagdaang araw, marami ang mababasang panawagan sa Department of Education upang ibalik ang klase sa panahong Hunyo hanggang Marso.

Hindi na umano makakapag-aral na mabuti ang mga estudyante sa ganitong klase ng temperatura dahil hindi na komportable para sa lahat.

Ayon naman sa tagapagsalita ng DepEd na si Michael Poa, walang plano sa pagbabalik ng bakasyon o tinatawag na summer vacation ng mga paaralan sa Abril at Mayo.

Sa mga palitan ng kaisipan at kuro-kuro sa social media, mayroong nagsabing magpayong na lamang habang hindi pa nalalagyan ng kisame ang mga klasrum.

Makakabawas diumano ito sa init na nararamdaman.

Biro man ay may katotohanan na hindi naman nakikisamehan ang lahat ng silid-aralan. Kahit pa nga sampung electric fan ay hindi sapat upang maibsan ang banas.

Habang lumalabas ang pagiging malikhain ng mga guro at mag-aaral sa kanilang kinakaharap na sitwasyon, lumalabas din ang mga tunay na suliranin sa mga paaralan sa bansa.

Sabi nga ng sikat ng manunulat na si Jerry Gracio sa kanyang post,

“Tapos, yung design ng mga building, hindi bagay sa napakainit nating panahon, wala namang aircon; yung uniform ng teachers at estudyante, mainit; siksikan sa klase; labas nang labas ang mga estudyante para uminom; nagrereklamo na ang teachers, stressed ang mga estudyante; in short, ‘yung mga nagdedesisyon sa DepEd, hindi alam ang aktuwal na kalagayan sa classroom at baka nga ang kailangan lang natin ay intelligence fund at ROTC.” Sa isa pang post sa kaparehong araw, aniya, “

Hihintayin pa yata ng DepEd na may ma-heatstroke na teacher o estudyante, bago tugunan ang reklamo tungkol sa mala-impiyernong classrooms.”


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.