Delivery van, tinangay ng dating empleyado
Crime

Delivery van, tinangay ng dating empleyado

Jun 29, 2026, 2:14 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Paghihiganti sa dating employer?

Ito ang isa sa mga nakikitang motibo ng pulisya sa naging insidente ng pagtangay sa isang delivery van sa Cabuyao City, Laguna noong Martes, July 23.


Personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya sa nasabing lungsod ang representative ng isang office supplies store sa Barangay Sala, Cabuyao City, kasama ang isang testigo na kinilala lamang sa alyas na "Vane," upang iulat ang naturang insidente.


Batay sa salaysay ni "Vane" na isang vendor sa naturang lugar, bandang alas-kwatro nang madaling-araw nang mamataan umano niya sa paligid ng gusali kung saan naroroon ang office supplies store ang suspek na kinilala sa alyas na "Gerardo," 45 anyos at residente ng Barangay Tatalon, Quezon City.


Bumili pa umano ng sigarilyo mula sa testigo si "Gerardo" bago ito sumakay sa isang Isuzu closed van na may plate number XTW-367 na pagmamay-ari ng kumpanya.


Maya-maya pa umano ay nakita niyang pinaandar ng suspek ang van bago ito sumibat sa direksyong pa-Maynila.


Saka lamang umano nalaman ni "Vane" na tinangay na pala ni "Gerardo" ang van nang kausapin siya ng mga empleyado ng kumpanya ukol sa nawawalang delivery van nito.


Lumabas naman sa paunang imbestigasyon ng pulisya na dati na palang empleyado ng naturang office supplies company ang suspek ngunit sinibak siya sa pwesto sa hindi tinukoy na dahilan.


Nagsagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang madakip si "Gerardo" at mabawi ang nasabing sasakyan.

(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.