Para sa mga delivery rider na kumakayod araw-araw, ang kanilang motorsiklo ay hindi lamang isang sasakyan.
Ito ang tumatawid sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Kaya naman nanlulumo ngayon ang isang delivery rider na tinangayan ng motorsiklo ng dalawang hindi pa nakikilalang mga holdaper sa Calamba City, Laguna noong May 31.
Sa ulat ng Calamba City Police Station, personal na nagtungo sa kanilang himpilan ang biktima na kinilala lamang sa alyas na "Marvin" noong June 2 upang iulat ang insidente.
Ayon sa biktima, isa siyang delivery rider at may tinanggap na order mula sa isang fast-food chain noong hatinggabi ng May 31.
Kadedeliver lamang niya ng pagkain sa designated delivery address sa Sitio Manggahan, Barangay Paciano Rizal nang bigla umano siyang nilapitan ng dalawang suspek na nakamotorsiklo at nagdeklara ng holdap.
Dahil sa takot ay walang nagawa si "Marvin" kundi isuko hindi lamang ang kanyang sariling motorsiklo kundi pati na rin ang cellphone na ginagamit rin niya sa hanapbuhay.
Kaagad tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo ng biktima matapos isagawa ang krimen.
Isang follow-up operation na ang isinasagawa ng mga awtoridad upang madakip ang mga suspek, gayundin upang marekober ang tinangay na motorsiklo.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

