Mas maayos na biyahe mula Laguna province papuntang Metro Manila.
Ito ang tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasabay ng pagpapatibay sa ilang mga pagbabago sa disenyo ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN).
Sa isinagawang board meeting ng NEDA noong July 15, inaprubahan nito ang ilang mga modification sa Phase 1 ng LLRN.
Kabilang na rito ang paglalatag ng dagdag na connecting roads at interchanges sa Tunasan, Muntinlupa City at sa mga lungsod ng San Pedro, Biñan at Cabuyao sa Laguna.
“The NEDA Board recognizes the significant potential of this project in reducing transportation constraints on existing road networks, promoting economic development in the region, and providing safer, more convenient, and faster travel for road users coming from the north and south to various tourist and business destinations in Laguna and nearby provinces,” pahayag ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.
Ang LLRN ay isang 37.6-kilometrong embankment road sa gilid ng Laguna de Bay na tatagos mula Taguig City papuntang Calamba City, Laguna. Mayroon na rin umanong plano ang national government na i-extend ang naturang proyekto papunta sa mga bayan ng Los Baños at Bay sa hinaharap.
Bukod sa pagpapabilis sa daloy ng trapiko sa Metro Manila at karatig-probinsya, inaasahang makatutulong rin ang LLRN sa pagresolba sa problema sa pagbabaha sa mga komunidad sa baybayin ng Laguna de Bay.
Samantala, inaasahang matatapos sa Disyembre ang feasibility study para sa Phase 2 ng LLRN, na tatagos naman mula Calamba City papuntang Binangonan, Rizal.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #NEDA #LLRN