Sampung magbababoy naman ang nakatanggap ng tig-iisang babaeng kalabaw na kanilang palalakihin at pararamihin.
NAMAHAGI ang Department of Agriculture -Calabarzon ng mga alagang hayop kamakailan bilang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng African swine fever na patuloy na nanalasa sa maraming bahagi ng bansa kabilang na ang lalawigan ng Quezon.
Pinangunahan nina DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma Dimaculangan at Quezon 1st District Cong. Wilfredo Mark Enverga ang pamamahagi sa mga magbababoy na mula sa bayan ng Mauban at Lucban.
“Atin pong aalagaan at paramihin ang mga hayop na naipamigay dahil ito ay hindi lang tulong sa inyo, kundi pati sa iba pang mga magsasaka. Nais din po natin na mas marami pa ang makinabang sa mga ito kapag inyo nang naparami,” ani Director Dimaculangan.
Nakatanggap din ang 138 na magbababoy ng broiler production module na kinakapalooban ng 50 broiler na sisiw, patuka, mga bitamina at P2,000 na pambili ng tangkal ng sisiw.
“Napakalaking tulong po ng mga sisiw na ito sa aming kabuhayan dahil hindi po kami makapag-alaga ng baboy ngayon. Pangako po naming aalagaan ang mga ito,” ani Rosalie Flores, magbababoy mula sa Barangay Alitap, Mauban.
Sampung magbababoy naman ang nakatanggap ng tig-iisang babaeng kalabaw na kanilang palalakihin at pararamihin.
Sa tamang pag-aalaga ay maaari na nilang maibenta ang palalakihing sisiw sa loob ng tatlumpu’t limang 35 araw.
“Malaking tulong po sa aming magsasaka ang mga babaeng kalabaw dahil bukod sa mapaparami namin ito ay pwede ring ibenta ang gatas,” ani ni Armando Salayong, magbababoy mula Barangay Kalyaat.
Ayon naman kay Cong. Enverga sa pamamagitan ng mga tulong na ito ay maiibsan kahit paano ang paghihirap ng mga mamamayan sa kanilang lalawigan.
Tags: #DA-Calabarzon, #animalproduction, #Asf, #governmentassistance