Bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, naghatid ng tulong ang Samahan sa Industriya ng Paggugulayan (SIPAG) sa Quezon sa pamamagitan ng programang “Community Pantry: Gulay para sa Bayani ng Kalsada.”
Umabot sa kabuuang 670 kilo ng sari-saring gulay ang naipamahagi nang libre sa humigit-kumulang 200 drayber ng pampasaherong jeep at tricycle sa Lucena City.
Kabilang sa mga ipinamahaging produkto ang talong, repolyo, sayote, pechay, pakchoy, at iba pa na direktang nagmula sa mga lokal na magsasaka sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa SIPAG-Quezon, layunin ng inisyatibo na maibsan ang hirap na nararanasan ng mga tsuper, na kabilang sa mga sektor na lubos na naaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin.
Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Quezon sa pamumuno ni Dr. Ana Clarissa Mariano.
Ipinakita nito ang malasakit ng sektor ng agrikultura sa mga manggagawa sa transportasyon na patuloy na nagsisilbi sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya.
Samantala, binigyang-diin ni Agricultural Technologist Sheryl Peña ang kahalagahan ng ganitong mga hakbang. Aniya, nawa’y magsilbing inspirasyon ang naturang programa upang makahikayat ng iba pang institusyon na makiisa sa pagtulong sa komunidad at sa buong lalawigan.
Higit pa sa simpleng pamamahagi ng tulong, sumasalamin ang programa sa diwa ng bayanihan, isang patunay na sa gitna ng krisis, nananatiling buhay ang pagtutulungan at malasakit ng bawat Quezonin.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

