Isang grupo ng mga volunteer ang magsasagawa ng lingguhang cleanup drive sa Sampaloc Lake, ang pinakamalaki sa "Seven Lakes" ng San Pablo City, Laguna, sa darating na buwan ng Setyembre.
Sa isang statement na inilabas ng San Pablo City Information Office, pangungunahan ng grupong Friends of Seven Lakes Foundation (FSLF) ang malawakang boluntaryong paglilinis sa paligid ng Sampaloc Lake sa bawat Linggo ng buwan ng Setyembre (Setyembre 7, 14, 21 at 28, tuwing 6:30 ng umaga).
Ayon kay FLSF President Bobby Azores, ang paglahok sa paglilinis ay bukas sa mga indibidwal, mga barangay sa paligid ng lawa, samahang sibiko, propesyonal at relihiyoso; mga kompanya, mga pamahalaang lokal at nasyonal, at sinumang may pagmamahal sa kapaligiran.
Nanawagan rin si Azores sa mga volunteer na magdala ng walis, kalaykay, pala at sakong paglalagyan ng basura.
Ayon naman kay FSLF Chairman Monsignor Gerry Bitoon, ang kampanya sa kalinisan ng lawa ay bahagi ng pagdiriwang ng National Coastal Cleanup Month, at ng pangmatagalang adbokasiya ng FSLF upang maging kabalikat ng pamayanan at pamahalaang lokal sa pangangalaga ng buong kapaligiran ng San Pablo, kasama na ang mga ilog, kagubatan at watershed ng lungsod.
Samantala, hinikayat nina City Tourism Officer An Mercado Al Alcantara at City Information Officer Rolly Inciong ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na lumahok sa naturang aktibidad.
Magpapapadala rin anila ng mga dump truck ang San Pablo City LGU para kolektahin ang mga basurang naipon ng mga boluntaryo.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CleanupDrive #SampalocLake