Ang isang diagnosis na cancer ay karaniwan nang sentensya ng kamatayan para sa ordinaryong Pilipino.
Ito ay hindi lamang dahil sa epekto ng kanser sa katawan, kundi dahil na rin sa kamahalan ng chemotherapy at iba pang mga gamot para dito.
Kaya naman umaasa ang pamahalaang panlalawigan ng Laguna na makakaibsan sa hirap ng mga Lagunenseng may kanser ang inaasahang paglulunsad ng kauna-unahang Chemotherapy Center sa lalawigan.
Kamakailan ay ininspeksyon nina Governor Sol Aragones, kasama si dating DOH Undersecretary Dr. Eric Tayag at iba pang mga opisyal, ang nasabing chemotherapy center na matatagpuan sa Laguna Medical Center sa bayan ng Santa Cruz.
Ayon sa Laguna LGU, ang naturang pasilidad ay magkakaroon ng dedicated at isolated rooms para sa chemotherapy, dialysis, at diagnostics tulad ng CT scan at x-ray, na may anim na CT scan rooms at isang centralized diagnostic area.
Kaya nitong magsilbi ng hanggang 40 cancer patients kada araw.
Ayon kay Dr. Tayag, kumpleto ang mga gamot na sasagutin ng PhilHealth at mahalagang hiwalay ang pasilidad upang maprotektahan ang mga pasyente.
Inaasahang bubuksan ang nasabing pasilidad sa darating na Abril.
(Ulat at Larawan mula sa Laguna Provincial Information Office)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ChemoCentersaLaguna

