CANDLE FEST, PASASALAMAT
Quezon

CANDLE FEST, PASASALAMAT

Feb 6, 2023, 6:52 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagdiriwang ng pista bilang pag-alala at pasasalamat sa patron ng bayan. Hanggang sa mauso ang mga festival na nagtatanghal din sa kung ano ang mga yaman o ipinagmamalaking produkto at lugar ng lokalidad. Unti-unting ibinabalik ng mga lokal na pamahalaan ang mga tradisyon at kinasanayan nang pagdiriwang matapos ang tatlong taon dulot ng pandemya. Dahil sa pagkakabinbin sa tahanan, higit nga bang napapahalagahan ng mga mamamayan ngayon ang mga kasiyahan tulad ng piyesta?

Muling nagbalik ang kasiyahan ng mga mamamayan ng Candelaria sa pagdiriwang ng Candle Festival tuwing unang linggo ng Pebrero makalipas ang dalawang taon.

Sadyang makukulay at naggagandahan ang mga karosa na ipinarada ng ibat-ibang organisasyon sa nakalipas na Candelaria Festival. Nagdulot ng saya at ligaya sa mga mamamayan ang mga malikhaing detalye ng mga festival float na sinabayan pa ng masiglang musika at sabay-sabay na pagsayaw ng mga sumama sa parada.

Ginamit sa mga karosa ang mga natural na materyales tulad ng niyog, mais, palay, at iba pa. Itinanghal bilang pinakamagandang float ang likha ng Dolores Macasaet National High School. Sinundan ito ng Dolores West District at ikatlo ang Pacific Royal Basic Foods, Inc.

Ayon kay Candelaria Mayor George D. Suayan, na siya ring chairman ng Candle Festival, katuwang ang kanyang maybahay, ang pagdiriwang ng kapistahan ng patron San Pedro Bautista at pagpapasalamat pati na sa Birhen ng Candelaria ang ipinagpipiyesta ng bayan. Tuwing ganitong okasyon aniya ay inaanyayahan nila ang mga may negosyo upang itanghal at ipakilala rin ang kanilang mga produkto.

Para sa taong ito, naging punong abala si Gov. Helen Tan, katuwang ang kanyang kabiyak na si DPWH Region I Director Engr. Ronnel Tan. Bilang isang manggagamot, pinangunahan ng Gobernador ang Dental, Vaccination and Medical Mission kasama ang kanyang team bilang bahagi ng pagdiriwang.

Buong pakikiisa ang ibinigay ng mga mamamayan ng Candelaria, kung kaya at nagpasalamat ang Punong Bayan sa maayos at matiwasay na pagdaraos ng tatlong araw na festival.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.