Natatangi hindi lang sa lalawigan ng Laguna kundi sa buong rehiyon ng CALABARZON ang natanggap na parangal ng lokal na pamahalaan ng Calamba, Laguna mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) noong Lunes, June 1.
Kinilala kasi ito bilang isa sa limang lokal na pamahalaan na may pinakamabilis magproseso ng business permit sa idinaos na ARTA Anniversary Month Culmination sa Quezon City.
Dumalo sina Calamba City Mayor Ross Rizal at Business Permits and Tricycle Franchising Office (BPTFO) Head Bernadette Opulencia upang tanggapin ang Fastest Processing Electronic Business One-Stop SHop (eBOSS) Award.
Nangibabaw ang naturang lokal na pamahalaan sa 149 lungsod at mahigit 1,493 munisipalidad sa buong lungsod.
Ito ay dahil nakamit nila ang ika-5 pwesto sa New Business Applications at ika-8 pwesto sa Renewal Transactions.
Ayon sa alkalde, patunay ang mga parangal sa kanilang dedikasyon upang makapaghatid ng mas mabilis, mas maayos at mas accessible na proseso para sa mga may negosyo.
“Ang tagumpay na ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod, dedikasyon ng mga kawani, at suporta ng ating mga stakeholders tungo sa isang mas transparent, makabago, at makataong serbisyo publiko,” pahayag ni Rizal.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

