Calamba LGU, nagbabala laban sa 'pabahay scam'
Scam

Calamba LGU, nagbabala laban sa 'pabahay scam'

Jul 1, 2024, 1:32 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Ngayong bukas na para sa mga Calambeño ang aplikasyon para sa Residenza Rizal Housing Project ay naglipana na naman ang mga scammers para lokohin ang mga umaasang aplikante.

Nagbabala si Calamba Mayor Roseller Rizal laban sa mga modus operandi na nagpapanggap na empleyado ng gobyerno o mga fixer na ginagamit ang naturang programa para kumita ng pera at makapanloko.

“Tanging sa mga awtorisadong personnel lamang ng HSD (Housing and Settlements Department) makipag-ugnayan. Lahat ng transaksyong may kinalaman sa aplikasyon sa pabahay ng gobyerno sa Lungsod ng Calamba ay sa tanggapan ng HSD lamang rin pino-proseso at walang anumang online na transaksyong isinasagawa kaugnay nito,” paalala ni Rizal.

Ang Residenza Rizal Housing Project ay isang bagong proyektong pabahay ng Calamba City LGU, sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang mga Calambeñong nais mag-apply ng bahay ay inaabisuhan ng LGU na magpunta sa HSD office na matatagpuan sa lower ground floor ng Calamba City Hall para sa interview, application form, at orientation.

“Bagaman ang programang pabahay ay hindi libre, amortisasyon o buwanang hulog sa bahay lamang ang sinisingil rito. Walang anumang halagang sinisingil para sa pagproseso ng aplikasyon sa pabahay ang HSD o alinmang tanggapan ng Pamahalaang Panlungsod ng Calamba,” dagdag pa ng alkalde.

#WeTakeAStand #OpinYon #CalambaLGU #ResidenzaRizalHousingProject #HSD


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.