Pinatunayan ng lokal na pamahalaan ng Calamba, Laguna ang masugid na pagsunod nito sa panatang malinis na lungsod matapos kilalanin sa 2025 Manila Bay Awarding Ceremony noong Martes, December 9.
Tumanggap ng dalawang parangal sa pangunguna ni Calamba City Mayor Ross Rizal ang mga kawani para sa kanilang mga hakbang upang isulong ang Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program (MBCRPP).
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) IV-A, nakapagtala ang nasabing lungsod ng 86.99-percent rating sa 2024 LGU Compliance Assessment.
Ito ang nagsilbing batayan ng ahensiya upang tingnan kung paano sumunod ang mga lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng rehabilitasyon ng Manila Bay.
Kabilang sa mga sinusuri dito ay ang management ng liquid waste, solid waste, at informal settler families na nakaaapekto sa daloy ng tubig papuntang Manila Bay.
Nakatanggap din ang Calamba ng kaukulang Gold Award (Provincial Level-City Category) para sa naging performance nito sa 2024 LGU Compliance Assessment.
Nangako naman si Rizal na patuloy na gagampanan ng kanyang pamahalaan ang pangakong mas malinis, mas ligtas, at mas maunlad na lungsod.
Gayong parte ng Laguna de Bay ang Calamba City at iba pang mga lugar sa lalawigan ng Laguna na nasa baybayin nito, bahagi pa rin sila ng Manila Bay cleanup mandamus ng Korte Suprema.
Ito ay dahil dumadaloy ang tubig mula sa naturang lawa papuntang Manila Bay sa pamamagitan ng mga ilog ng Pasig at Napindan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ManilaBayAwards
