Calabarzon, pinakamadalas puntahan ng local tourists
DOT

Calabarzon, pinakamadalas puntahan ng local tourists

Mar 11, 2026, 2:52 AM
Kyrie Marzo

Kyrie Marzo

Contributor

Nangibabaw ang rehiyong Calabarzon bilang pinaka-pinupuntahang destinasyon ng mga domestic traveler sa bansa mula 2008 hanggang 2024, ayon sa pinakahuling tourism sectoral review ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).

Batay sa datos mula sa Department of Tourism (DOT) at Philippine Statistics Authority (PSA), nakapagtala ang rehiyon ng 77.5 milyong domestic travelers sa loob ng 16 na taon, ang pinakamataas sa buong bansa.


Sa tala para sa 2024 lamang, umabot sa 10,863,098 ang overnight travelers sa CALABARZON. Sa bilang na ito, 10,680,294 ay mga lokal na biyahero habang 182,804 naman ay binubuo ng overseas Filipinos at foreign travelers.


Ipinapakita ng datos na nananatiling matatag ang interes ng mga Pilipino sa mga kalapit-lalawigan para sa bakasyon, lalo na’t mas accessible ito mula Metro Manila at iba pang karatig-lugar.


Binubuo ang Calabarzon ng mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Kilala ang rehiyon sa iba’t ibang atraksyon mula sa mga makasaysayang pook sa Cavite, mga lumang simbahan at hot springs sa Laguna, diving spots sa Batangas, rock formations at bundok sa Rizal, hanggang sa mga tanyag na pista at baybayin sa Quezon.


Ang kombinasyon ng kalikasan, kasaysayan, at kultura ang itinuturong pangunahing dahilan kung bakit patuloy itong dinarayo.


Ayon sa mga tagasuri, mahalaga ang papel ng imprastraktura at mas pinaigting na domestic tourism campaigns sa patuloy na paglago ng bilang ng mga bumibisita.


Gayunpaman, binibigyang-diin din ang pangangailangan ng sustainable tourism practices upang mapanatili ang kalidad ng mga destinasyon sa gitna ng patuloy na pagdami ng turista.


Ipinapakita ng datos na ang paglalakbay ng mga Pilipino ay hindi lamang para sa pahinga kundi bahagi na rin ng pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at sa kaso ng CALABARZON, malinaw na ito ang rehiyong hindi kailangang “layuan” para maranasan ang bakasyon.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DOT #Tourism


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.