Hindi na bago para sa mga mamamahayag ang panganib.
Sa katunayan nga, para kay Jose Marlon Yasa, isang 48-anyos na mamamahayag at army reservist, bahagi na ito ng buhay niya.
Isa kasi siya sa mga kasapi ng media na sumasaksi sa mga ikinakasang operasyon ng mga awtoridad laban sa iligal na droga.
Sa bawat flash ng kamera, may panganib na nakatago - ito ang mundong kanyang ginagalawan.
Sa dilim ng gabi
Sa gitna ng dilim ng gabi sa Dalahican, Lucena City - isang lugar na inilarawan bilang “lugar ng kaguluhan” dahil sa mga pusher na naghahangad ng pera o naghihikahos na user para sa susunod na “gamot” – nakatayo si Yasa, hawak ang kanyang kamera nang mahigpit.
Ang kanyang paglalakbay sa mundo ng pamamahayag at pagiging witness laban sa droga ay nagsimula nang siya’y mapili bilang karugtong ng yapak ng kilalang mamamahayag sa Quezon na si Tony Sandoval.
Mula noon, binuhay niya ang tungkulin na hindi lamang nagbibigay ng mga larawan at ulat kundi pati na rin ang pagiging testigo sa buy-bust operations.
Bawat sandali ay binabayaran niya ng kanyang lakas at pagod ang tungkuling ipakita sa publiko ang katotohanan na nakatago sa mga tabing-lansangan ng Lucena, Sariaya, Pagbilao, at Candelaria.
Walang kapararangan
“Dito sa Dalahican, hindi lamang droga ang kumakalat – kundi maaaring ang kawalan ng pag-asa,” sambit ni Yasa.
Bahagyang bumibigat ang boses niya habang inaalala ang kalungkutan sa mga mukha ng mga bata o mga ina na umiiyak habang hinahawakan ang mga kamay ng kanilang mga anak na nahuli sa operasyon.
Simula 2020, saksi na siya sa bawat ikinakasang buy-bust operation - karaniwan ay apat o limang beses kada linggo.
Kasama niya sa bawat misyon ang mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG), pati na rin ang mga barangay official na minsan ay nagiging sandigan ng pag-asa para sa mga nasasakdal.
“Tinitiyak nila na hindi mawawala ang karapatang pantao – dahil sa bawat taong nahuhuli, may pamilya ring nag-aalala, may mga taong umaasa na makakapagbago sila,” dagdag niya, ang mga mata niyang namamaga mula sa pagod ay may liwanag ng determinasyon.
Banta sa buhay
Kailangan niyang maging handa sa lahat – mula sa subpoena at ulit-ulit na hearings.
“Kung hindi makakapunta ang saksi, mawawalan ng merito ang kaso,” sabi niya.
Sa ilang pagkakataon, siya’y nakatatanggap ng banta at pinapanakot ng mga pamilya ng mga nahatulan – may mga nagbabanta na idedemanda siya para sa “pagsira ng pangalan” ng kanilang mahal sa buhay, habang ang iba naman ay direktang binabalaan na pasasabugan ng granada ang kanyang tahanan kung patuloy pa rin siyang magsusulat at magsisilbing saksi.
“Minsan ay naramdaman kong hihinto na lang ako, na itatago ko na lang ang kamera at itatakwil na lang ang trabahong ito. Pero hindi ko magawa – alam kong kailangan ng bayan ng mga kuwentong ito para malaman ang tunay na kalagayan sa kanilang komunidad,” dagdag niya.
Pagkamit ng hustisya
Sa lahat ng lugar na kanyang nakita, ang Candelaria ang nagdudulot sa kanya ng pinakamalaking kalungkutan.
“Doon, ang mga hatol ay mas mahaba pa kaysa sa mga pangarap ng mga nahatulan,” wika niya. Nakita na niya ang mga mukha ng mga lalaki at babae na lumuluha habang binabasa ang hatol ng hukuman – mga taong minsan ay may pangarap, may pamilya, ngunit napasubo sa mundo ng droga.
Ang mga convicted ay dinadala sa Muntinlupa Prison – isang lugar na para bang “bitag na hindi mo na makakalasan,” ayon kay Yasa.
Ngunit mayroon din namang liwanag na nakikita niya sa gitna ng kadiliman.
“Ang plea bargaining ay parang isang huling pagkakataong ibinibigay ng gobyerno sa mga first offenders at pinalalaya sila ngunit maraming pagkakataon bumabalik sila sa kulungan at sinasayang ang pagkakataong makapag bagong buhay,” sabi niya.
Para kay Yasa, hindi siya ang bida sa kuwentong ito kundi ang pag-asa at gagawin niya ang lahat para ipakita ang katotohanan sa likod ng kamera.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

