Isa na namang aksidente ang naitala sa bahagi ng Gumaca Bypass Road, dahilan upang lalong kwestiyunin ng mga motorista ang kaligtasan ng nasabing daan.
Aabot sa 25 pasahero ang naitalang sugatan matapos tumagilid ang isang pampasaherong bus sa nasabing daan noong Biyernes, February 18.
Sa paunang ulat, tinatahak ng bus ang bahagi ng Gumaca Bypass Road nang, pagdating sa bahagi ng Barangay Manlayaan, ay nawalan umano ito ng preno.
Nagpagewang-gewang pa umano sa kalsada ang bus, dahilan upang masagi nito ang isang kotse, bago ito tuluyang tumagilid.
Naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa operator ng nasabing bus, habang nakatakda na sa March 13 ang isasagawang pagdinig ng LTFRB ukol sa naturang insidente.
Naganap ang insidente sa gitna ng patuloy na agam-agam ng mga motorista sa Gumaca Bypass Road, na anila'y tila may mga depekto sa konstruksyon.
Marami nang mga sasakyan, partikular ang mga bus at truck, ang nasasangkot sa aksidente sa naturang daan na ginagamit bilang pang-iwas sa baku-bakong bahagi ng Maharlika Highway sa Gumaca.
#WeTakeAStand #OpinYon
#OpinYonNews

