Muling nakaantabay ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon sa Bulkang Taal kasunod ng naitalang minor phreatomagmatic eruption sa nasabing bulkan nitong nakaraang Lunes, January 6.
Pinaalalahanan ni RDRRMC Chairperson at Office of Civil Defense (OCD) IV-A Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III ang mga lokal na pamahalaan malapit sa paigtingin ang kanilang kahandaan sa posibleng muling pag-alburoto ng Taal.
Ayon kay Alvarez, dapat maging alerto ang mga komunidad sa paligid nito at isaayos ang mga kaukulang contingency plans bilang paghahanda na rin sa ibang panganib na dulot ng aktibidad ng Bulkang Taal.
Umabot sa 600 metro ang naitalang plume mula sa phreatomagmatic eruption na naganap sa main crater ng bulkan bandang 7:34 ng gabi noong Lunes.
Sa abiso na inilabas ng Phivolcs ngayong Miyerkules, January 8, umabot sa 4,188 tonelada ang ibinugang sulfur dioxide mula sa nasabing aktibidad.
Sinabayan ito ng isang volcanic tremor na tumagal ng tatlong minuto.
Bagama’t nagkaroon ng minor eruption, walang indikasyon upang itaas ang alert status ng Bulkang Taal, na nananatili pa rin sa Alert Level 1, ayon sa Phivolcs.
Patuloy pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, gayundin ang paglipad ng mga eroplano sa tuktok ng bulkan.
Patuloy na nakaalerto
Samantala, nasa ilalim ng ‘code white’ ang Department of Health (DOH) Calabarzon at nakahanda ang kanilang ahensya para sa anumang health-related incidents kaugnay ng aktibidad ng Bulkang Taal.
Nakahanda rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) IV-A na mag-deploy ng mga interconnectivity support at communications box kung kinakailangan.
Sa sektor ng edukasyon, ipinaalala ng Department of Education (DepEd) ang DepEd Order No. 22 na naglalaman ng direktiba ukol sa pagkakansela ng klase at trabaho sa mga paaralan sa panahon ng kalamidad at emergencies.
Ayon dito, nasa desisyon ng mga local chief executives, sa pakikipag-ugnayan sa kanilang Schools Division Supervisors, ang pagsuspinde ng face-to-face classes.
Samantala, ipinahayag ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na may anim na mobile kitchen ang lalawigan, pati na rin isang mobile clinic na maaaring gamitin sakaling magkaroon ng kalamidad.
Ulat mula sa PIA
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #RDRRMC #DOH #OCD