'Buhusan' ng Lucban: Tuloy pa rin?
Celebrations and Festivals

'Buhusan' ng Lucban: Tuloy pa rin?

Apr 8, 2026, 7:47 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Sa kabila ng pagkansela ng lahat ng aktibidad na inorganisa ng Pamahalaang Bayan ng Lucban para sa Buhusan Festival ngayong taon, nananatiling buhay ang tradisyon ng “old school” na buhusan sa bayan.

Tila patunay ito na ang diwa ng selebrasyon ay higit pa sa mga engrandeng parada at makabagong foam party—ito ay nakaugat sa puso ng mga Lucbanin.


Ayon sa opisyal na pahayag ng Lucban Public Information Office, kanselado ang lahat ng LGU-organized activities, kabilang ang foam party at parada, bilang pagtugon sa National State of Energy Emergency na idineklara sa harap ng krisis sa Gitnang Silangan


Layunin nitong makatipid ng enerhiya at matiyak ang katatagan ng komunidad.


Ngunit hindi nito pinipigilan ang mga residente at ilang pribadong grupo sa pagpapatuloy ng tradisyunal na "Buhusan," na siyang pinaka-inaabangan tuwing pista.


“Hindi mawawala ang buhusan—kahit walang foam party, basta magkasama-sama at masaya ang mga tao, tuloy ang tradisyon,” pahayag ng isang residente.


Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na pinapayagan ang mga pribadong pagdiriwang, hangga’t sumusunod sa umiiral na patakaran at regulasyon.


Nagpaalala din ang lokal na pamahalaan na gawing makabuluhan ang Semana Santa bilang panahon ng pagninilay at panalangin.


Sa huli, nananatiling matibay ang diwa ng Buhusan Festival sa puso ng bawat Lucbanin.


Sa gitna ng pagbabago, lumalalim pa lalo ang pagpapahalaga sa mga lumang kaugalian—isang patunay na ang tradisyon ay hindi basta-basta nabubura, bagkus ay higit pang pinagyayaman sa bawat hamon ng panahon.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.