Husay ng dila sa pagbebenta sa Facebook livestream ang naging puhunan ng isang mag-asawa sa Lucena City upang maging matagumpay sa kanilang online ukay-ukay.
Cellphone, tripod, ring light, internet, mga lumang damit, lumang bedsheet at punda, lumang bag at puhunang lakas ng loob. Iyan lang ang mga kagamitan – puwede ka nang mag-online selling.
Ito ang naging karanasan ng mag-asawang John at Michelle Oabel na may -ari ng Marchelly's Ukay sa Lucena City.
Ibinahagi nila sa Opinyon Quezonin kung paano binago ng negosyong ukay- ukay ang kanilang buhay.
Kunek
Hindi lang Internet ang kailangan mo upang makakuha ka ng mga viewers, kundi paano mo ikokonek ang sarili mo sa iyong mga costumers.
Puhunang laway, tamis ng dila at personalidad ang kailangan upang makabenta, anila.
"Noong September 2020, nagsimula kaming mag-online. Nagsimula kami sa sampung viewers, kakunti pa ang nagmama-‘mine’ pero noong maglive-selling ang aking asawa, dumami ang aming viewers kasi iba talaga na ikaw ay madaldal at honest sa mga costumers mo,” wika ni Michelle.
“Tapos, naging 50 viewers hanggang 100 – at umaabot na rin hanggang Visayas ang aming mga miners,” dagdag ng maybahay.
John Oabel, may -ari ng Marchelly's Ukay sa Lucena City photo by Opinyon Quezonin
Mine
Sa pagtipa ng apat na letrang ito – “mine” – ay kapalit ang siguradong kita para sa mag-asawang online seller.
Ibig sabihin kasi ng salitang ito ay sigurado nang kukunin ng netizen ang kanilang mga produkto.
"Nakakatuwa na makita sa screen na sunod-sunod ang nagma-mine, kasi syempre dumadami ang kita namin,” masayang pagbabahagi ng mag-asawa.
“Nagsimula kami sa isang bale at habang dumadami ang nagma-mine, umabot kami ng tatlong bale sa sa loob ng isang araw.Pinakamahina naming kita ngayon ay P3,000 sa isang live selling at ang pinakamalaki naming kita ay umabot sa P15,000 isang gabi.”
Ngunit ang salitang mine ay may katumbas na joy miners. Joy miners, na ang kahulugan ay “mine” pero di kinukuha ang items o mga miners na hindi na makontak at makausap.
“Ang ginagawa namin sa mga joy miners o bogus miners, hinahayaan na lamang namin na ibenta na lang ulit namin kasi hindi naman ito napapanis tulad ng pagkain. Kaysa magalit ka sa kanila, inuunawa na lang namin sila,” pahayag ni John.
Bili
Sapagkat marami ang bumibili ng kanilang items at nangangahulugan ito ng mas maraming oras, nag-resign na si Michelle bilang call center agent upang matutukan ang lumalakas na negosyong ukay-ukay.
“Pareho kaming nasa call center na mag-asawa at nagpagdesisyunan namin na magresign ako sa call center kasi mas maraming bale kaming binubuksan, mas maraming oras ang kailangan sa paghahanda,” ani Michelle.
Nabago ng teknolohiya at ukay-ukay ang buhay ng mag-asawa.
“Nakabili kami ng dalawang lote at naghahanda na rin kami sa pagpupundar ng bahay. Kung dati wala kaming washing machine, ngayon automatic ang aming ginagamit. Nakakabayad kami ng renta sa bahay na halos walong libo sa loob ng isang buwan,” masayang sabi ng mag-asawa.
Plano din ng mag-aasawang Oabel na bumili ng sasakyan at magbukas ng pisikal na tindahan para sa kanilang mga suki na walang Internet.
Dagdag pa ng mag-asawa, wala namang imposible, basta ikaw ay matiyaga at masipag kumayod. (AG/with reports Jake Vinz)
Tags: #OpinYonQuezonin, #LucenaCity, #onlineselling, #ukayukay