Tinututukan na ng Quezon Police Provincial Office ang insidente ng bomb threat na naganap sa Quezon National High School sa Lucena City noong nakaraang Huwebes, March 5.
Sa paunang ulat ng pulisya, bandang 6:11 ng umaga nang matanggap ng isa sa mga admin ng page ang mensahe mula sa isang Facebook account na gumagamit ng pangalang “Kim Tan.”
Agad itong ini-report sa Lucena Component City Police Station, kaya naman mabilis na rumesponde ang mga kapulisan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang nasa loob ng paaralan.
Bilang pag-iingat, inatasan muna ang paglikas ng mga tao sa loob ng paaralan habang isinasagawa ang pagsusuri sa lugar.
Dumating din ang PNP Explosive and Canine Unit (PECU) upang magsagawa ng K9 inspection at paneling para matiyak kung may anumang banta o kahina-hinalang bagay sa loob ng campus.
Walang nakitang anumang pampasabog sa loob ng eskwelahan matapos ang masusing paggalugad sa school campus.
Nakipag-ugnayan na ang Quezon Cyber Response Team upang matukoy at ma-validate ang Facebook account na ginamit sa pagpapadala ng mensahe.
Samanatala, pinapaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon o pananakot dahil ito ay may kaukulang pananagutan sa ilalim ng batas.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #BombThreat

