Blogger, ibinaon sa Tayabas
Death

Blogger, ibinaon sa Tayabas

Mar 5, 2026, 2:22 AM
Sol Luzano

Sol Luzano

Writer

Natagpuang wala nang buhay ang isang 39-anyos na blogger at canvasser sa isang liblib na lugar sa Tayabas City.

Ayon sa ulat, nawawala ang biktima na kinilalang si alyas "Macoy" simula pa noong Biyernes, Pebrero 20, bago tuluyang matagpuan ang kanyang bangkay kinabukasan.


Bandang alas-2:00 ng hapon noong Sabado, Pebrero 21, nang matagpuan ang kanyang labi malapit sa ilog sa Sitio Don Elpidio, Barangay Lalo. Ang nasabing lugar ay tinatayang apat na kilometro ang layo mula sa pangunahing highway at kinakailangang tahakin ang makikitid na pilapil upang marating.


Nakatawag-pansin umano sa mga kaanak ang isang bagong hukay sa tabi ng sapa na kanilang pinaghinalaang may nakalibing, hanggang sa tuluyang madiskubre ang bangkay ng biktima.


Nakagapos ang kanyang mga kamay, nakabalot ng itim na T-shirt ang ulo, at may busal ang bibig.


Nauna nang nagpa-blotter ang asawa ng biktima sa Tayabas City Police Station matapos itong hindi makauwi mula sa pangingisda sa Alitao River sa Barangay Lalo.


Kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang Quezon Police Forensic Unit sa pinangyarihan ng insidente at patuloy ang masusing pagsisiyasat upang matukoy kung sa lugar mismo isinagawa ang krimen.


Ayon kay P/Major Elizabeth Capistrano, hepe ng Tayabas City Police, may mga tinutukoy na silang persons of interest kaugnay ng insidente, subalit wala pa umanong malinaw na motibo sa krimen.

Hinihintay pa rin ang resulta ng post-mortem examination upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng biktima.


Samantala, sinabi ng pulisya na walang negatibong rekord ang biktima sa kanilang barangay at kilala itong mabuting miyembro ng komunidad.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.