Diretso sa kulungan ang isang bibisita lamang sa piitan matapos umano siyang mahulihan ng baril sa Santa Cruz, Laguna kamakailan.
Kaagad hinuli ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang suspek na kinilalang si alyas "Ronald," 32 anyos at residente ng Barangay Bagumbayan, Santa Cruz, Laguna.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Santa Cruz Municipal Police Station, nagsadya ang suspek sa BJMP District Jail facility sa Barangay Calios upang dalawin ang isang kamag-anak niya na nakapiit doon.
Sa gitna ng inspection ng jail guard sa mga dalahin ni alyas "Ronald" ay doon niya nakita ang isang improvised na baril o sumpak na nakalagay sa sling bag nito.
Kaagad tinawag ng jail guard ang kanyang mga kasamahan at dinakip ang suspek.
Nakakulong na sa Santa Cruz Municipal Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kung paano nakuha ng suspek ang nasabing sumpak.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PoliceReports
