Isang bagay na maaaring hindi alam ng mga nagbebenta ng produkto online ay ang tungkulin nilang sumunod sa mga patakaran ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pag-iisyu ng mga resibo.
Ilan lamang ito sa tinalakay ng mga opisyal ng BIR - Revenue Region 9B-LaQueMar (Laguna-Quezon-Marinduque) sa ginanap na "Kapihan sa PIA Calabarzon: Ugnayan at Talakayan sa Laguna" sa SM City San Pablo noong August 27.
Bilang kasagutan sa tanong ng OpinYon Laguna, ibinahagi ni BIR Revenue Region 9B-LaQueMar Regional Director Atty. Michael Remir Macatangay ang mga hakbangin ng ahensya upang ma-educate ang mga online seller ukol sa kanilang obligasyon sa ahensya.
Batay sa Revenue Memorandum Circular No.60-2020 na inilabas ng BIR noong 2020 - kung kailan nauso ang online selling sa kalagitnaan ng pandemya - kinakailangan na ring magparehistro sa BIR ang mga online selling platforms.
Dagdag pa ni Macatangay, ngayong naisabatas na ang Republic Act No. 12023 (Digital Services Tax Act) ay mas pinalakas ng ahensiya ang kanilang assistance at education campaign upang masigurong nasusunod ng mga online seller ang obligasyon nilang maglabas ng official receipt o service invoice.
"In the past po, noong nagsisimula na po ang lumago ang online services and online selling, nagkaroon po kami ng massive drive, ang buong bureau po, hinanap po namin yung mga nagti-tiktok sa areas po namin. Inalam po namin isa-isa yan," paglalahad ni Macatangay.
Ayon pa kay Macatangay, mahalaga ang pag-iisyu ng resibo ng mga online seller dahil nasisiguro nito na protektado ang mga mamimili.
"Kasi po sometimes, baka po ang taxpayer, meaning the one na binilhan po ninyo, the seller, hindi pa po sila dumadaan po sa education or assistance part. So tutulungan po natin sila at tuturuan po natin sila kung ano yung tama sa pagnenegosyo," paliwanag ng opisyal ng BIR.
Ang "Kapihan sa PIA Calabarzon: Ugnayan at Talakayan sa Laguna" ay isang programa ng PIA Calabarzon kasama ang SM Supermalls, na naglalayong mas mas maiparating sa publiko ang mga serbisyo ng iba't ibang ahensya ng gobyerno.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews