Hindi akalain ng mga kaanak ng isang 15-anyos na binatilyo sa Cabuyao City, Laguna na maagang mapuputol ang kanyang buhay matapos siyang barilin noong Huwebes, June 4.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang hindi pinangalanang biktima na residente ng Barangay Marinig ng lungsod na ito.
Sa salaysay ng isang 17-anyos na saksi sa Cabuyao City Police Station, kasama umano niya ang biktima at ang suspek na kinilala lamang na si alyas "Ian," 19 anyos at residente rin ng Barangay Marinig, nang mangyari ang insidente.
Ayon sa saksi, una umano niyang nakita ang suspek na nagkakarga ng bala sa kanyang revolver, dahilan upang lumayo siya sa lugar.
Makalipas ang ilang sandali, narinig umano niya na may nanghamon umano kay "Ian" upang paputukin ang nasabing baril, na sinundan ng isang putok ng baril.
Nang balikan niya ang kanyang mga kaibigan ay doon na niya nakita ang biktima na may tama ng bala sa dibdib.
Hindi naman malinaw kung mismong ang biktima ang nanghamon sa suspek upang paputukin ang baril.
Nagsagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang madakip ang suspek na tumakas mula sa nasabing lugar matapos ang krimen.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

