Isang 12-anyos na binatilyo ang nalunod sa ilog sa Calamba City, Laguna nitong nakaraang Huwebes, December 5.
Wala nang buhay nang marekober sa San Cristobal River ang biktima na kinilalang si alyas "John Carlo," residente ng Barangay Banlic ng nasabing lungsod.
Ayon sa salaysay ng isa sa mga kaibigan ng biktima, bandang alas-nwebe ng umaga noong Huwebes nang magkayayaan silang lumangoy malapit sa San Cristobal Dam sa nasabing lungsod.
Ngunit habang nagtatampisaw sila sa tubig ay nadulas umano si "John Carlo" at nabagok ang ulo sa batuhan, dahilan upang mawalan ito ng malay at lumubog sa tubig.
Kaagad rumesponde ang mga tauhan ng Calamba City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na nagsagawa ng search and rescue operation.
Pasado alas-dose na ng tanghali nang marekober ang biktima mula sa ilog.
Isasailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima upang matukoy ang dahilan ng kanyang kamatayan.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CDRRMO