Tunay na nangibabaw ang ganda, talino at kultura ng mga pambatong Lagunense sa gabi ng koronasyon ng Lakan at Lakambini ng Laguna 2026 noong Biyernes, March 20.
Ipinamalas ng mga kandidato mula sa mga bayan at lungsod ng lalawigan ang kanilang angkin na karisma at talento upang ipagmalaki ang husay ng pagiging Lagunense.
Mula sa 60 kalahok, kinoronahan ang mga kandidato na sina Carl Nicol Santiago ng Cabuyao Ciy at Julianna Marie Quiambao ng Biñan City bilang Lakan at Lakambini ng Laguna ngayong taon.
Ayon kay Quiambao, hindi pa rin siya makapaniwala sa natanggap niyang “back-to-back blessings” sa buhay niya.
Ito ay dahil noong nakaraang taon lang ay hinirang din siya bilang Binibining Laguna 2025.
“It still feels surreal how in just a year, life has come full circle in the most beautiful way.”
Pagdating naman niya sa panibagong entablado, tila nagmistulang lucky color pa para sa kaniya ang kulay na pula.
Habang naghahanda kasi siya sa nasabing patimpalak, naisipan niyang piliin na magsuot ng pulang Filipiniana upang kumpletuhin di umano ang primary colors.
“In Biñan, I was wearing blue when I was crowned. Last year, I was wearing yellow. So this year, I wanted to wear red, hoping to win another crown.”
Pero ang nagpanalo na siguro sa kinoronahang Lakambini ng Laguna ay ang ipinakita niyang husay sa pagsagot sa mga naging katanungan.
Higit na pinatunayan niya ito nang matanong siya kung paano mailalarawan ang kulay pula sa isang bulag.
Aniya, mailalarawan niya ito bilang kulay ng mabuting puso na marunong makaunawa ng hindi lang ng sarili kundi pati ng kapwa niya.
“That red in you, that fire and that passion to do something good, not just for yourself, but also for your community, is red. It is beautiful. It is fiery. And also, red symbolizes that if you have a good heart, you do something good. You try to be good and to do good because you want to inspire.”
Sumunod bilang 1st Runner Up ay sina Aldrei Payot ng Santa Rosa City at Riezhelle Reign Garin ng Pagsanjan.
Kinilala namang 2nd Runner Up sina Jan Paolo Ratilla ng Los Baños at Niña Kate Cortez ng San Pablo City, samantala 3rd Runner Up ang nakamit nina Charles Keiren Vita ng Nagcarlan at Marnielle Elisha Marquez ng Santa Rosa City.
Nagtapos naman bilang 4th Runner Up ang mga pambato na sina Charlie Calupig ng Cavinti at Princess Nicole Alcaraz ng Cabuyao City.
Ang isinagawang Lakan at Lakambini ng Laguna 2026 ay bahagi pa rin ng idinaos na Anilag Festival 2026: Level Up na may layuning ipagdiwang ang mayamang kultura at kasaysayan ng Laguna.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #Pageant #LakanAtLakambiniNgLaguna2026

