Nagbalik ang tanggapan ng Municipal Environment and Natural Resources sa Sitio Tubahin, Barangay Ibabang Polo sa Pagbilao, Quezon, upang ipagpatuloy ang sama-samang bayanihan para sa kalinisan at kaayusan ng komunidad.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor, mas pinalakas ang kampanya para sa pangangalaga ng kapaligiran at pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat mamamayan.
Nakiisa sa isinagawang aktibidad ang mga kinatawan mula sa Local Government Unit (LGU), Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan ng Ibabang Polo, Samahan ng Mangingisda ng San Isidro, Pagbilao Grande Island National High School, Task Force Multipliers, Aboitiz Power at grupong Matanglawin.
Kabilang sa mga isinagawang gawain ang paglilinis ng mga pampublikong lugar, pagsasaayos ng paligid, at pagpapaigting ng kamalayan ng komunidad hinggil sa tamang pamamahala ng basura at pangangalaga sa kalikasan.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga kalahok kay Mayor Gigi Portes sa patuloy na suporta at paggabay sa mga programang naglalayong mapanatiling malinis, maayos, at maunlad ang bayan.
Patunay ang nasabing aktibidad na sa pamamagitan ng pagkakaisa at aktibong partisipasyon ng komunidad, mas nagiging epektibo ang mga hakbang tungo sa pangmatagalang kaayusan at kaunlaran.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

