Bawal na gamot, Masusugpo nga ba?
Quezon

Bawal na gamot, Masusugpo nga ba?

Apr 11, 2023, 1:45 AM
Gem Suguitan

Gem Suguitan

Columnist

Maganda ang ulat ng kapulisan sa kanilang pagsugpo sa iligal na droga sa lalawigan ng Quezon. Tuloy-tuloy ang ginagawang operasyon ng mga autoridad upang mahuli ang mga nagbebenta ng shabu at marijuana sa ibat-ibang bayan sa lalawigan. Gayunpaman, hinihintay natin na matuloy at maikulong ang mga pinagmumulan ng drogang nasasabat saan-saan. Inaabangan natin na ang malalaking isda ay ma-expose upang tuluyan nang maputol ang iligal na negosyong ito ng droga na nakakasira sa lipunan at kinabukasan ng mga nalululong na mamamayan. Sana ay makagawa ng kasaysayan ang ating kapulisan na tuluyan nilang maiwaksi ang droga sa lalawigan. Kaya kaya, o sadyang imposible na?

Kamakailan lamang nitong Abril 5 ay napabalitang tatlong suspek ang hinuli ng mga pulis at sundalo sa bayan ng Calauag habang ang natagpuang marijuana nursery sa bayang ito ay sinira ng mga autoridad.

Ayon kay Provincial Chief P/Col. Ledon Monte, isang pangkat ng operatiba ng anti-narcotics ang sumugod sa Barangay Bantolinao at doon ay inaresto ang mga suspek na nagngangalang Christian Angelo Cometa, Edward Cometa, at Jhonny Escarpe. Wala sa police watch list ang tatlo, na sinasabing mga baguhan pa lamang sa pagbebenta ng illegal na droga.

Tinatayang nasa 670 bagong tanim na seedlings ng marijuana ang binunot ng mga operatiba at nakumpiska ang 51 gramo ng tuyong dahon ng marijuana. Hindi nabanggit sa ulat ang karampatang halaga nito.

Ayon kay Monte, ang impormasyon ay nakuha mula sa isang drug suspek na nauna nang nahuli ng kapulisan. Ayon pa ay Ledon, patuloy na sisiguruhin ng kanilang ahensya na walang magtatagumpay sa mga nagbabalak pang magtanim ng marijuana sa lalawigan ng Quezon.

Ang mga suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Matatandaang nitong Marso 30, 2023, mayroong nasa P2.7 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng mga pulis sa bayan ng Candelaria. Sina Michael Dakila, edad 42, isang high value target sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga; at Leovernie Quitain, 38, kilalang tulak sa bayan ng Candelaria, ay nahuli matapos magbenta ng P15k na shabu sa isang pulis na undercover sa Barangay Masin Norte. 14 na sachet ng ipinagbabawal na gamot at isang plastik ng shabu na may timbang na 123.7 gramo ang nakuha sa mga suspek, at may street value na nagkakahalaga ng P2,523,480.

Sa kaparehong araw ay nahui rin ng mga operatiba si Gerson Silva, 32, sa Barangay Malabanban Sur ganap na ika-9 ng gabi. Nahulihan si Silva ng tatlong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P255,000. Ayon sa ulat, patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan ng Candelaria kung saan nagmumula ang mga droga.

Sa lunsod ng Lucena, iniulat ng hepe ng pulis na si Lt.Col. Erickson Roranes sila man ay nakahuli rin ng armadong drug suspect sa checkpoint ng Baraangay Cotta. Ang suspek na si Rhe-Rey Reynoso ay nahuli sa hindi pagsusuot ng helmet habang wala ring plate number and motor na kanyang sinasakyan. Sa pag-itsa nito ng isang coin purse na naglalaman ng sachet ng shabu at marijuana na hindi nakaligtas sa mata ng pulis, inilabas din umano ng suspek ang isang undocumented na kalibre .22 na loaded ng bala.

Nitong buwan ng Pebrero, P5.1M halaga ng shabu ang nasabat ng mga autoridad sa kanilang operasyon laban sa iligal na droga. At noong Enero, P11.9M shabu at marijuana naman ang nakumpiska ng mga kapulisan.

Sa mga nasabing kaganapan, hindi pa natutukoy ang mga pinagmumulan ng ipinagbabawal na gamot. Kulang pa ba ang pagbabantay at pagmamatyag ng mga autoridad kung kaya at hindi pa lubusang nasusugpo ang problema ng lalawigan sa droga? Kung hindi mauugat ang source, masasabi bang epektibo ang programa laban dito? Kailan maipagmamalaking drug-free ang lalawigan ng Quezon?


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.