Nanguna ang kinatawan ng Batangas City sa ginanap na ika-6 na Regional Civil Registration and Vital Statistics (CRVS) Quiz Bee ng Philippine Statistics Authority (PSA) – Regional Statistical Services Office IV-A noong Pebrero 11, 2026 sa Solano Hotel, Lipa City, Batangas.
Dinaluhan ng 15 kalahok mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa rehiyong CALABARZON ang patimpalak na inilaan para sa mga empleyado ng Local Civil Registry Offices (LCRO).
Saklaw ng kompetisyon ang mga batas ukol sa civil registration, mandato ng PSA, at mahahalagang programa at inisyatiba na nagpapalakas sa civil registration at vital statistics system ng bansa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Regional Director Charito Armonia ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral at pagiging updated sa larangan ng Civil Registration and Vital Statistics.
Aniya, ang Quiz Bee ay hindi lamang isang paligsahan kundi isang makabuluhang plataporma upang mapalalim ang kaalaman at mapatatag ang integridad ng mga vital records. Pinuri rin niya ang mga nagwaging kalahok sa antas-probinsiya na umabot sa regional level at kinilala ang dedikasyon ng lahat ng lumahok.
Matapos ang mahigpit na palitan ng tanong at sagot sa iba’t ibang rounds, itinanghal na kampeon si Perla Dalida ng Batangas City.
Nakuha naman ni Mary Grace Dantoc ng Paete, Laguna ang ikalawang puwesto, habang pumangatlo si Nessilda Manuba ng Mauban, Quezon.
Ayon sa PSA, bahagi ang Regional CRVS Quiz Bee ng patuloy nitong pagsisikap na kilalanin ang kakayahan ng mga kawani ng LCRO at palakasin ang kanilang mahalagang papel sa pagbibigay ng tumpak at episyenteng serbisyong civil registration sa buong CALABARZON.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

