Tunay na walang kupas ang husay ng kabataang manlalaro mula Laguna.
Nag-uwi ng sunod-sunod na karangalan hindi lamang para sa lalawigan kundi pati na rin sa bansa ang “Batang Laguna Pilipinas” team sa idinaos na World Youth Championship noong nakaraang Linggo, August 9, sa Singapore.
Nagpakitang-gilas ang mga naturang kabataang atleta kung saan kabilang sa mga nasungkit nila ay ang dalawang championship title at iba pang podium finishes.
Pinakamatingkad ang kampanya ng Batang Laguna Pilipinas 16U, na tuluyang naabot ang championship matapos ang matagumpay nitong torneo.
Mas naging espesyal ang panalo nang tanghaling Best Player, Most Valuable Player (MVP), at Champion ang Cabuyeño na si Miguel Jarreth Vibal, matapos pangunahan ang kanyang koponan sa kanilang matagumpay na kampanya.
Hindi rin nagpahuli ang Batang Laguna Pilipinas 12U, na nakamit din ang championship, dagdag sa gintong ani ng delegasyon sa kompetisyon.
Samantala, nagtapos bilang 1st Runner-Up ang Batang Laguna Pilipinas 13U, habang nakakuha naman ng 3rd Place ang Batang Laguna Pilipinas 15U.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

