Kahit batid ni Lovely na delikado ang kanyang trabaho, wala raw siyang magagawa dahil kailangan niyang kumita.
TAYABAS CITY, Quezon – Sa paninimot ng basura ng iba kumukuha ng panlamang-tiyan ng kanyang pamilya si Lovely Jutalla, residente ng bayang ito.
Pinaghihiwalay niya ang mga basura para makuha ang mga puwede pang ibenta o pakinabangan tulad ng plastic, bote, at karton.
Ginagawa niya ito nang walang anumang proteksiyon sa kamay kahit pa ang ilan sa mga basura ay mga facemask at gloves na maaaring may taglay ng virus na Covid-19.
Kahit batid niyang delikado ang kanyang trabaho, wala raw siyang magagawa dahil kailangan niyang kumita.
Diyos na raw ang bahalang umalalay sa kaniya, aniya.
Kinagisnang hanapbuhay
Kuwento ni Lovely, bata pa lang ay natutunan na niya ang naturang uri ng hanapbuhay na kinagisnan na niya hanggang magkapag-asawa.
Kumikita siya araw-araw ng P70 hanggang P350, sapat na para makabili sila ng pagkain sa maghapon. Suwerte nang maituturing kung kumita sila ng P500.
“Noong hindi pa pandemic, tatlong beses kaming kumakain sa maghapon. Madalas, sumasala sa oras pagkain ang aming anim na anak kasi naghahanap pa kami ng puwedeng maibenta sa junk shop,” kuwento ni Lovely.
Dagdag pa niya, saka pa lamang kakain ang mga bata pag-uwi nila bitbit ang isang kilong bigas at ulam.
Ngayon, hindi na sila makapangalakal dahil bawal lumabas bunsod ng nagpapatuloy na pandemya.
“Isang beses lang kami kumakain sa maghapon,” sabi ni Lovely habang pinagugulong ang kariton.
May mga bigay namang ayuda ang barangay ngunit hindi ito sapat para sa isang linggo.
“Naglulugaw ako sa umaga kapag may bigas. Walang ulam. Nilalagyan ko ng asin para magkalasa. Pagkakasyahin namin iyon para sa lahat,” kuwento niya.
Kung ubos na ang ayuda o bigas, nilagang balinghoy ang kain nila mula sa kapitbahay.
May mga mabubuting loob-naman na nagbibigay sa kanila ng pera at pagkain.
Aniya, ginagawa nilang puhunan ang perang bigay sa kanila upang makapamili ng mga bote, plastik, at karton.
“Kapag naubos ang puhunan, balik-ulit sa paninimot ng basura,” dagdag pa niya.
Minsan din ay ume-ekstra siya sa isang junkshop upang mag-ayos ng kalakal kapalit ng P250 na kita.
Pagtataguyod sa pamilya
Pahirapan rin aniya ang pagpapaaral sa kanyang mga anak ngayong panahon ng pandemya.
“Hindi po agad ako nakapunta sa school para kumuha ng modyul dahil wala po akong face mask,” sabi niya.
Ayon sa kaniya, nagpilit siyang makapunta sa school dahil nabalitaan niyang magiging miyembro ang kaniyang mga anak ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Nang makahingi siya ng facemask, saka lamang siya nakakuha ng modyul.
Nakakabasa naman ang kaniyang mga anak at nagtuturo ang mga ito sa kanilang mga nakababatang kapatid dahil sila ay naghahanapbuhay na mag-asawa.
Inaalala lang niya kung paano ba matututo ang kaniyang bunsong anak na may espesyal na kondisyon.
Pinipilit naman niyang gampanan ang pagiging ina at guro bagama’t kapos sa panahon.
Ayon pa sa kaniya, nanlumo siya sapagkat napasama sa barkada ang isa niyang anak at nasangkot sa nakawan.
“Pinatawag ako ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at pinagsabihan ang aking anak,” naluluhang kuwento niya.
Kuwento niya, pinasabihan niya ng todo ang kaniyang anak at sa awa ng Diyos ay hindi na naulit ang pangyayari.
Dagdag pa ni Lovely, wala man silang titulong maipagmamalaki, hindi nila ikinahihiya ang pangangalakal bilanghanapbuhay.
“Mahalaga ay nakakakain kami at naitatawid ang maghapon,” aniya.
Tags: #OpinYonQuezonin, #TayabasCity, #featurestory, #scavenging

