Isang bystander ang nadamay sa isang insidente ng umano'y pamamaril malapit sa isang bar sa Barangay Nueva, San Pedro City, Laguna nitong madaling-araw ng Linggo, January 5.
Nagpapagaling na sa ospital ang biktima na kinilalang si "Wendell," 22 anyos at residente ng Barangay Platero, Biñan City, Laguna.
Batay sa ulat ng San Pedro City Police Station, naganap ang nasabing insidente sa harap ng isang kilalang bar sa tabi ng Pacita Commercial Complex sa Barangay Nueva bandang 4:30 ng umaga ng Linggo.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na isang lasing na lalaki na tinatayang nasa edad 25 hanggang 30, maputi ang balat at nakasuot ng itim na shirt ang nasangkot sa isang away sa loob ng nasabing bar.
Nang palabasin ang suspek ng mga bouncer at manager ng bar ay hindi pa rin umano ito maawat sa pakikipag-away sa ibang mga kostumer.
Walang anu-ano ay nagpunta ang suspek sa kanyang kulay gray na kotse na nakaparada sa harap ng bar, kumuha ng isang hindi pa matukoy na uri ng baril, at walang habas na nagpaputok.
Bukod kay "Wendell" ay dalawang sasakyan rin na nakaparada sa naturang lugar ang tinamaan ng ligaw na bala.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ng pulisya upang madakip ang suspek na kaagad tumakas matapos ang insidente.
Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews