Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa isang lalaking natagpuang patay sa loob ng kanyang kotse sa Calamba City, Laguna nitong nakaraang Lunes, May 27.
Batay sa ulat ng Calamba City Police Station, natagpuan ang bangkay sa loob ng isang kotse na hinihinalang inabandona malapit sa isang industrial estate sa Sitio B Uno, Barangay Canlubang sa lungsod na ito.
Ayon sa lalaking nakadiskubre sa bangkay na kinilala lamang sa alyas na "Noli," umiihi umano siya sa isang pader malapit sa nasabing industrial park nang mapuna niya ang isang sasakyan na nakaparada sa lugar.
Nang mapansin niya na tila may tao sa loob ng sasakyan ay lumapit siya dito at doon na niya nadiskubre ang bangkay sa loob.
Ayon sa pulisya, tinatayang nasa edad 35 hanggang 40 anyos ang biktima, nasa 70 hanggang 75 kilo ang timbang, at nakasuot ng berdeng T-shirt at jersey shorts.
Dagdag pa ng mga tauhan ng Calamba City police, natunton na nila ang mga kaanak ng biktima, ngunit hindi muna inilabas ang pagkakakilanlan nito habang inaalam pa ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Nagsagawa na ng autopsy ang mga awtoridad habang tinitingnan na rin ang mga CCTV camera sa nasabing lugar upang makita kung may foul play sa nasabing insidente.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews