Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang ilog sa Calamba City, Laguna nitong Linggo, May 26, sa kasagsagan ng bagyong "Aghon."
Kinilala ng Calamba City Police Station ang biktima na si Mark Nathan Ebon Miranda, residente ng Barangay San Pioquinto, Malvar, Batangas.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-dos ng hapon ng Linggo nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa pampang ng San Juan River sa Barangay Milagrosa sa naturang lungsod.
Ilang oras matapos marekober ang bangkay ay kinilala ito ng isang Maria Adelyn Rose Ebon bilang kanyang anak na si Mark Nathan, na aniya'y nawawala simula pa noong May 24.
Ayon pa sa ina ng biktima, una nilang iniulat sa Malvar PNP ang pagkakadiskubre sa bangkay ng kanyang anak sa ilog na sakop ng Barangay San Pioquinto noong araw na iyon, ngunit hindi nila nagawang maiahon ang bangkay dahil sa malakas na daloy ng tubig.
Nagsagawa na ng autopsy ang Calamba City police upang malaman ang ikinamatay ng biktima.
#WeTakeAStand #OpinYon #CalambaCityPolice #PNP