Binalaan ng mga tagapangasiwa ng Diocesan Shrine of Jesus in the Holy Sepulcher o mas kilala bilang Lolo Uweng Shrine ang mga deboto at ang publiko laban sa pagbili ng produktong "Banal na Langis ni Lolo Uweng."
Sa isang pabatid na ibinahagi sa social media noong Huwebes, July 11, iginiit ng Lolo Uweng Shrine na wala silang kinalaman at hindi nila awtorisado ang pagbebenta ng naturang "banal na langis."
Hindi rin umano konektado sa simbahan ang mga Facebook page na "Lolo Uweng Banal na Langis" at "Lolo Uweng Banal na Langis PH" na nagbebenta ng naturang produkto, ayon pa sa naturang pabatid.
"This UNAUTHORIZED REPRESENTATION does NOT meet our standards or adhere to our guidelines for the proper distribution of our sacred products. We take the integrity of our brand and the sanctity of our religious items very seriously," ayon sa mga tagapangasiwa ng Lolo Uweng Shrine.
Hinikayat ng simbahan ang mga deboto na sa Religious Store lamang sa loob ng simbahan bumili ng mga religious items upang masiguro na totoong may basbas ng simbahan ang naturang mga produkto.
Ang Lolo Uweng Shrine sa Barangay Landayan, San Pedro City ay isa sa mga pinakakilalang pilgrimage site sa lalawigan ng Laguna. Ito ay naglalaman ng imahen ni Hesukristo sa "Santo Sepulcro" (Holy Interment) na pinaniniwalaang nagdudulot ng mga milagro at sentro ng marubdob na debosyon ng maraming Katolikong Pilipino.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #LoloUwengShrine