Inilunsad ng lokal na pamahalaan ang "BakaONE Mauban Mangrove Planting Project" na may temang "Isang Bakawan, Isang Nagkakaisang Mauban na Matatag at Ligtas."
Nakiisa sa aktibidad sina Mayor "Ninong Erwin" Pastrana, ang kanyang asawa na si "Ninang Tess" Pastrana, Vice Mayor Alween Sardea, kasama ang Sangguniang Bayan, mga Department Head, iba’t ibang sektor ng komunidad, Mauban MENRO head Ferdinand Porol, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa lahat na magkaisa sa pagtataguyod ng mas ligtas, matatag, at maunlad na Mauban sa pamamagitan ng pag-aalaga at pagpapalago ng mga bakawan—isang mahalagang pamana para sa susunod na henerasyon.
Ang mga bakawan ay kritikal para sa bayan at kalikasan. Sila ay nagsisilbing natural na depensa laban sa pagbaha, storm surge, at pagguho ng baybayin, na nagpoprotekta sa mga tahanan at ari-arian.
Tinataguriang mga "lungsod ng dagat," nililinis nila ang tubig, nagbibigay ng tirahan sa marine life, at tumutulong sa pag-iimbak ng carbon dioxide upang labanan ang pagbabago ng klima.
Nagbibigay din sila ng mga oportunidad para sa ekoturismo at sustentableng kabuhayan para sa mga mangingisda at lokal na komunidad.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

